Pakikipag-kompromiso, pag-amin ba sa kasalanan?
Dear Attorney,
Inaakusahan po ako ng pagnanakaw ng aking dating employer. Kung mag-alok po ba ako ng kompromiso at makipag-areglo na lang, maari bang gamitin iyon bilang ebidensiya ng pag-amin ko sa inaakusa nila sa akin?—Helen
Dear Helen,
Ang pag-aalok ng kompromiso sa mga criminal cases ay maaring gamiting ebidensya ng pag-amin sa kasalanan ng akusado base sa ating Rules of Evidence, ngunit upang magamit na ebidensiya ng pag-amin sa kasalanan, kailangang may nakasampa ng kriminal na kaso nang ialok ng akusado ang pakikipag-kompromiso.
Kung wala pa namang isinampang kriminal na kaso, hindi masasabing pag-amin sa kasalanan ang pag-aalok ng areglo dahil wala pa namang maaring aminin. Ito ang naging desisyon ng Korte Suprema sa kaso ng San Miguel Corporation v. Kalalo (G.R. No. 185522, 13 June 2012) kung saan hindi ipinapalagay na pag-amin sa kasalanan ang offer of compromise. Nang ialok kasi ang pakikipag-kompromiso, hindi pa naisasampa ang kriminal na kaso.
Ayon sa Korte, hindi maaring gamiting ebidensiya ng pag-amin sa krimen ang alok ng kompromiso dahil nang ialok ito, wala pang nakabinbing kriminal na kaso sa pagitan ng mga partido.
Ang maipapayo ko, siguraduhin mo munang wala pang nakasampang kriminal na kaso laban sa iyo kung nagbabalak kang makipag-kompromiso sa dati mong employer. Pinakamainam na kumuha ka na ngayon ng abogado na makapagsasabi kung makakabuti ba sa iyo o hindi ang pag-aalok ng areglo sa puntong ito.
- Latest