‘From Zero to Zara’
KUNG dito sa Pilipinas ay si Henry Sy ang hari ng SM malls, sa Spain ay mayroon silang Amancio Ortega, ang hari ng Zara fashion boutique na kilala hindi lang sa Europe kundi sa buong mundo. Ang net worth niya ngayong 2021 ay $84.7 billion.
Anak siya ng isang pangkaraniwang manggagawa kaya’t sa edad na 14 ay nagtrabaho siya bilang delivery boy sa isang pagawaan ng t-shirt. Ayaw niyang manatiling taga-deliber na lang ng damit kaya’t pinag-aralan niya ang takbo ng negosyo — mula sa production hanggang sa mga tindahan. Hindi siya nakatapos ng high school pero malakas ang kanyang loob at determinasyon. Nag-ipon siya ng puhunan at noong 1963, nagtayo siya ng tahian ng bathrobes.
Hindi siya tumigil sa pangangarap kaya noong 1975, naisipan niyang magtayo ng tindahan ng mga damit na mura pero nasa uso at pinangalanan itong Zara. Ngayon ay may 3,245 outlet na sila sa 66 na bansa.
Pero sa kabila ng pagiging bilyonaryo, pinili pa rin ni Amancio na maging simple at low profile lalo na sa pananamit. Gusto niya’y naka-maong lang siya at t-shirt. Napipilitan lang siyang mag-Amerikana kapag dumadalo ng importanteng okasyon. Ngunit isang bagay ang hindi maipipilit na ipasuot sa kanya — ang magkurbata kapag naka-Amerikana.
May librong inilabas tungkol sa kanyang buhay. Ang titulo ng libro —From Zero to Zara. Ibig sabihin, mula sa pagiging mahirap hanggang sa pagiging bilyonaryo.
- Latest