Ano ba ang tinatawag na ‘economic abuse’?
Dear Attorney,
May kriminal na kaso po ba na maaring isampa laban sa mga hindi na nagbibigay ng sustento? —Aileen
Dear Aileen,
Sa ilalim ng Republic Act No. 9262 o Violence Against Women and Children Act (VAWC), mayroong tinatawag na economic abuse.
Economic abuse ang anumang gawain na may layuning gawing dependent o nakaasa ang isang babae sa kanyang karelasyon pagdating sa pera.
Sa ilalim ng RA 9262, kabilang sa matatawag na economic abuse ang pagbawi o hindi pagbibigay ng sustento, maging aktwal man ito o pagbabanta lamang, paghadlang sa babae na magkaroon ng hanapbuhay, pagsira sa mga kagamitan sa bahay, at pagkontrol sa pera at ari-arian ng biktima o sa pera at ari-arian na maituturing na conjugal o pag-aari nila parehong mag-asawa.
Mabigat ang masampahan ng kasong paglabag sa ilalim ng RA 9262 lalo na para sa mga nagtatrabaho sa ibang bansa. Mapapabilis kasi ang pag-iisyu ng korte ng hold departure order kapag may isinampang kriminal na kaso sa ilalim ng batas na ito.
Kung sakaling napatunayang guilty sa economic abuse ang inireklamo, may parusang pagkakakulong na hindi bababa sa anim na taon at isang araw at hindi hihigit sa labindalawang (12) taon. Pagmumultahin rin ang sinumang ma-convict sa ilalim ng RA 9262 ng halagang hindi bababa sa P100,000 at hindi hihigit ng P300,000.
- Latest