Ang masarap na manok
MAY nabasa akong isang magandang kuwentong pambata na may pamagat na White Fang. Nakalimutan ko na kung sino ang sumulat pero nanatili sa aking isip at puso ang leksiyong nakapaloob sa kuwento.
Si White Fang ay isang aso na may lahing wolf. Palibhasa’y may lahing wolf, gustung-gusto ni White Fang ang “lumapang” ng buhay na manok. Minsan ay pinasok niya ang isang poultry farm at nilamon niya nang walang kahirap-hirap ang 50 manok na tahimik na nananahan doon. Nalaman ito ng kanyang master na si Weeden Scott at siya ay pinagalitan.
Naisip ni Weeden na disiplinahin si White Fang sa pamamagitan ng pagpasok sa kanya sa isang malawak na poultry farm kung saan nagkalat ang mga manok na malayang naglalakad sa loob ng bakuran. Reverse psychology ang gustong iaplay ni Weeden sa kanyang alaga. I-expose si White Fang sa kanyang kahinaan. Tinawanan ito ng ama ni Weeden. Ang mamamatay-manok daw ay wala nang pag-asang magbago. Pero hinamon ni Weeden ang ama na magagawa niyang disiplinahin si White Fang.
Tuwing manghahabol si White Fang ng manok para lamunin ay agad siyang sinasaway ni Weeden. Diyus-diyusan ang tingin ni White Fang sa kanyang master at mahal niya ito kaya isang sutsot lang ni Weeden ay agad bumabaluktot ang kanyang buntot. Ilang araw na sinubaybayan ni Weeden ang alaga hanggang isang araw, iniwan nitong mag-isa si White Fang sa piling ng mga manok.
Sa buong panahon na wala si Weeden, hindi “gumalaw” ng manok si White Fang. Inisnab niya ang mga manok na para bang hindi ang mga ito nag-e-exist. Kung ano ang batas ng kanyang amo; iyon ang dapat niyang sundin. Bunga ng pagmamahal ni White Fang sa kanyang master, nagawa niyang kalimutan ang kanyang natural, inborn desire.
Ang mundo ng tao ay “full of chickens” pero dahil sa pagmamahal natin sa ating Master, ang Panginoong Diyos, nagagawa nating talikuran ang mga makasalanang gawain upang maging karapat-dapat sa Kanyang pagmamahal.
- Latest