Café Maxim
NOONG 1900, may mag-asawang Austro-Hungarian tourist ang kumain sa isang maliit na restaurant sa Paris, ang Café Maxim. Nang magbabayad na ay natuklasan ng mister na ang wallet ay nawala. Ang ticket pabalik sa Vienna na nagkataong nasa wallet ay kasama ring nawala.
Nang ipagtapat nilang wala silang pambayad ay isinama sila ng waiter sa manager-owner ng restaurant. Nadama ng manager na nagsasabi ng totoo ang mag-asawa. At sa sobrang awa ay pinautang pa niya ang mag-asawang turista ng pamasahe pabalik sa Vienna. Bago umalis ang mag-asawa ay nangako ang mister:
“Hayaan mo, babayaran ko ang lahat ng inutang ko at pasisikatin ko ang restaurant mo. Tutuparin ko ang pangakong ‘yan.”
Lingid sa kaalaman ng manager, ang lalaking pinagkatiwalaan niya ay si Franz Lehar, sikat na writer/composer ng operetta sa Vienna. Ang operetta ay parang opera na kinakanta ang dayalog; nakakatawa ang mga sitwasyon at ang tinatalakay na topic ay kung ano ang kasalukuyang mainit na paksa ng komunidad.
Pagkagaling sa Paris ay sinulat niya ang operetta na Merry Widow. Ginamit niyang tagpuan (setting) ay ano pa, ang Café Maxim ng Paris. Sa bawat kanta ay nababanggit ang Café Maxim.
Ang Merry Widow ay nag-premier noong 1905. Nag-tour ang production sa buong Austria hanggang sa sumikat ito sa buong mundo at nagkaroon ng English adaptation sa London. Ginawan din ito ng version sa Ballet at pelikula. Sa France, ginawa nila itong teleserye. Ngayon, ang Café Maxim ay nakatayo pa rin at patuloy na tinatangkilik ng mga turista.
“Carry out a random act of kindness, with no expectation of reward, safe in the knowledge that one day someone might do the same for you. – Princess Diana
- Latest