Ang magdarasal
MAY kaisa-isang magdarasal sa aming lugar. Namana niya ang pagiging magdarasal sa kanyang ina. Noong bata pa kami ay isa siya sa aking madalas makalaro sa pitik-lastiko. Pagbubuhulin namin ang tig-sampu naming lastiko. Halinhinan naming pipitikin ito. Ang anumang lastiko na humiwalay sa pagkakabuhol ang reward ng player na pumitik. Lagi akong talo noon. Limang lastiko lang ang nababawi ko. Ang lahat ay nakukuha ni Mel. Magaling talaga siyang pumitik.
Hindi siya nakatapos ng pag-aaral kaya naging magdarasal siya. Isang araw ay may kliyenteng nagpadasal sa kanya. Pumupunta siya sa bahay ng kliyente at sa altar nito siya nagdarasal. Nagkataong may perang nawala sa bahay ng kliyente. Siya lang ang ibang tao na pumasok sa bahay kaya automatic na siya kaagad ang pinagbintangan.
Sa buong buhay niya ay noon lang siya napagbintangang nagnakaw. Sa sobrang sama ng loob ay lagi siyang nag-iiyak. Habang nag-iimbestiga ang nagbintang sa kanya, ginamit niya ang kanyang talent: ang magdasal nang taimtim na sana ay malinis ang kanyang pangalan.
Isang buwan ang nakalipas, natuklasan ng nagbintang na isang miyembro ng kanyang pamilya ang totoong kumuha ng pera. Kagaya ng galing niyang pumitik para matanggal sa pagkakabuhol ang lastiko, ganoon din pala siya kagaling kumawala sa buhol-buhol na pangyayaring kinasangkutan niya. At hindi lang galing sa pagpitik ang ginamit niya, kundi galing sa pagdarasal.
“Prayer is the song of the heart. It reaches the ear of God even if it is mingled with the cry and tumult of a thousand men.” – Kahlil Gibran.
- Latest