^

Punto Mo

Ipagtanggol ang katotohanan

USAP TAYO - Pastor Joey Umali - Pang-masa

ANO ang katotohanan? Tanong ito ni Poncio Pilato nang nililitis niya si Hesus. Ito rin ang paulit-ulit nating tanong kapag nakakarinig tayo ng magkakasalungat na pahayag. May katiwalian sa Department of Health, sabi ni Senator Pacquiao.  Walang katiwalian, wika naman ni Presidente Duterte.  Sino sa kanila ang nagsasabi ng totoo? 

Naglabas ang Commission on Audit ng report tungkol sa mga deficiencies sa pamamahala ng Department of Health sa P67.32 bilyong pondo para sa COVID-19 pandemic response.  Inutusan ni Presidente Duterte ang kanyang Gabinete na huwag pansinin ang COA report. Pero ang Senado, pinansin ito, kaya’t nagsagawa ng mga pandinig. Sino ang tumatayo sa panig ng katotohanan? Ang Presidente ba o ang Senado?

Ang katotohanan ay naaayon sa realidad o base sa mga tunay na nangyari. Ang Greek philosopher na si Aristotle ay nagbigay ng ganitong depinisyon ng katotohanan: “To say of what is that it is not, or of what is not that it is, is false, while to say of what is that it is, and of what is not that it is not, is true.”  Nakakalito, ano?  Talaga namang hindi madaling alamin kung ano ang katotohanan.

Ang kasinungalingan ay magaling magkunwaring katotohanan kaya’t madalas ay naloloko tayo nito. Sabi nga ng German Nazi politician na si Joseph Goebbels, “Ulit-ulitin mo ang kasinungalingan at ito na ang magiging katotohanan.”

Lalong humirap ang pag-alam sa katotohanan sa panahon ngayon ng social media kung saan ang fake news ay nagmumukhang genuine news, kung saan ang tila malawak na opinyong publiko pabor o laban sa isang tao’y gawa-gawa lamang pala ng mga trolls o mga taong kumikita ng limpak-limpak na salapi sa pamamagitan ng paglulubid ng mga kasinungalingan. Maaari rin tayong mahulog sa bitag ng mga surveys na ginastusan ng mga pulitiko. Ang resulta ng mga surveys ay maaaring mamanipula para pumabor sa nagpa-survey sa pamamagitan ng uri ng tanong at ng uri ng mga taong tinatanong.  

Ang katotohanan ay nakatatayo sa kanyang sarili. Pagbali-baliktarin mo man ang katotohanan, lulutang pa rin kung ano ang totoo. Sa kabilang banda, ang kasinungalingan ay umaasa sa pinagtali-taling hindi totoo. Para maipagpatuloy ang isang kasinungalingan, kailangang umimbento ng isa, dalawa, tatlo o higit pang kasinungalingan.  Ito ang tinatawag na “paglulubid ng mga kasinungalingan.”

Mahirap mang gawin, katungkulan natin bilang mga responsableng mamamayan na saliksikin ang katotohanan bago tayo gumawa ng anumang paninindigan. Kailangang mamuhunan tayo rito ng panahon, lakas at kakayahan, lalo na kung may kinalaman sa mga pambansang isyu. Tulad ng sinabi ni Hesus, ang katotohanan ang magpapalaya sa atin.  Ang kasinungalingan ay umaalipin, samantalang ang katotohanan ay nagpapalaya.

Bakit tayo nakakulong bilang isang bansa sa katiwalian na isa sa mga dahilan kung bakit tayo nananatiling mahirap? Kasi alipin tayo ng kasinungalingan. Iniluluklok natin sa kapangyarihan ang mga taong sinungaling. Ang mga taong tapat at nagsasabi ng totoo ang siya pang napapatalsik sa katungkulan, ang siya pang madalas ay maagrabiyado.

Kapag nalaman natin kung ano ang katotohanan, ipaglaban natin ito hanggang sa wakas. Panindigan natin ang katotohanan kahit nag-iisa na lamang tayo. Ang katotohanan ay mananatiling katotohanan kahit walang naniniwala rito.  Ang kasinungalingan ay mananatiling kasinungalingan kahit ang lahat ay naniniwala rito.

PONCIO PILATO

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with