^

Punto Mo

Board exams: Sukatan ng kakayahan o memorya?

(AGHAM AT TEKNOLOHIYA) PANDAYAN - Ramon M. Bernardo - Pang-masa

HINDI na bago ang panawagan ni Labor Secretary Silvestre Bello III na tanggalin na ang board o licensure examinations o Bar exams  na ipinapakuha sa mga nakapagtapos ng mga kursong nangangailangan ng mga kaukulang lisensiya bago ganap na makapagpraktis ang mga estudyante sa kanilang mga napag-aralan. Inihalimbawa niya ang nursing, law, dentistry at engineering sa katwirang dumaan na sa mga kaukulang pagsusulit sa mga akreditong eskuwelahan ang mga nag-aaral nito. Idinagdag pa niya ang malaking gastusing ginugugol sa pag-aaral sa kolehiyo at sa mga bar exam.

May mga tumutol tulad ng Philippine Nursing Association dahil anila buhay ang hinahawakan ng mga nurse  at ang punong mahistrado ng Korte Suprema na dapat mga competent lang ang payagang maging abogado.

Naalala ko ang kakilalang waitress sa isang restawran na nagtapos ng nursing pero nagulat ako nang sabihin na hindi na niya nagawang makakuha ng board exam dahil wala siyang pera. Hindi na niya nagamit ang kanyang pinag-aralan at, sa halip, namasukan na lang siyang waitress sa halip na makapagtrabaho bilang nurse sa isang ospital o klinika.

Isa namang nurse ang nakapagsabi sa akin na gumasta siya ng humigit-kumulang na P20,000 para makapasok sa isang review center para hindi na niya kailangang dumaan sa Professional Regulation Commission para mag-ayos ng mga kaukulang papeles. Wala naman aniyang ibang babayaran kung ang nursing graduate ang mag-aasikaso ng kanyang mga papeles maliban sa babayaran para sa board exam.

Pero nakakapanghinayang nga naman  ang malaking panahon, pagod at perang ginugol at inubos ng mga estudyante sa pag-aaral sa kolehiyo kung babagsak din sila sa board exam.  Sabi nga ng iba, parang nagiging sukatan ng talino at kakayahan ang mga pagsusulit na ito.  Paano sila nakapasa at nakagradweyt sa kolehiyo kung wala din naman pala silang kakayahan na tulad ng ipinapakita ng mga resulta sa mga licensure examination.  Matatapon na lang sa wala ang kanilang pinaghirapan.

Minsan, noong nabubuhay pa si dating Senador Miriam Defensor-Santiago, nanawagan din siya sa Supreme Court na tanggalin na ang Bar Exams dahil mas marami ang bumabagsak kaysa  pumapasa rito. May mga examinee na dalawa o tatlong beses nang kumuha ng Bar exam pero bigo pa ring makapasa. Dapat aniya ang testing sa pagpapraktis ng abogasya ay dapat isagawa bago at pagkatapos pumasok sa law school at hindi pagkatapos gumradweyt.

Binanggit ni Santiago ang isang survey nina dating University of the Philippines College of law Dean Merlin Magalona at Atty. Manuel Flores Bonifacio na nagsasaad na  ang pagkakapasa sa Bar ay hindi ganap na garantiya sa matagumpay na pagpapraktis ng abogasya, ang Bar ay isang test of memory at hindi ng sa competence,  isa na lang usapin ng suwerte ang makalusot sa Bar, at ang aktuwal na pagpraktis ng abogasya ang pinakamagaling na sukatan ng legal competence.

Masalimuot ang isyung ito ng mga board exam. Paano halimbawa ang sa medisina at ibang sensitibong larangan na kailangang mahusay, mapapanaligan at may kakayahan ang mga magtatrabaho rito?

Baka kailangang repasuhin ang sistema ng edukasyon sa mga kolehiyo para matiyak na ang mga gumagradweyt dito ay talagang may kakayahan nang hindi na kailangang dumaan pa sa board exam. Kaso nga, sa mga college graduate na nagbabalak magtrabaho sa ibang bansa, isa sa hahanaping kuwalpikasyon sa kanila ang kanilang record sa mga kaukulang licensure examinations.

Email: [email protected]

BOARD EXAM

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with