EDITORYAL - Barya-barya na ang Suweldo, binarya pa
SUMUSUWELDO ang factory worker na si Russel Manoza ng P1,056 sa isang pabrika sa Valenzuela City. Barya ang kanyang suweldo kung ikukumpara sa ibang manggagawa pero lalo pang naging “barya” ang kanyang suweldo nang pasuwelduhin siya ng sandamukal na barya. Puro singko at diyes sentimos ang binayad sa kanya ng Nexgreen Enterprises.
Ayon kay Mañoza isang bag na barya ang ibinigay sa kanya noong nakaraang Sabado (Hunyo 26) bilang suweldo sa dalawang araw niyang pagtatrabaho. Ayon pa kay Manoza, bago nangyari iyon, nagreklamo siya at iba pang kasamahan sa barangay dahil sa hindi pagpapasahod sa kanila ng pabrika at ikinainis umano iyon ng may-ari.
Sinubukan umano ni Mañosa na ibalik ang mga barya sa kahera at pinapapalitan niya ng mga perang papel subalit tinanggihan siya ng kahera. Walang nagawa si Manoza kundi umuwi dala ang barya.
Mabuti na lang nalaman ito ng pinsan ni Manoza at kinunan ang mga baryang sinuweldo at ini-upload sa internet hanggang sa maging viral. Nagimg usap-usapan hanggang sa makarating sa kaalaman ni Valenzuela Mayor Rex Gatchalian.
Ipinatawag ni Gatchalian ang may-ari ng pabrika at nang araw ding iyon ay sinuspinde ang operasyon ng Nexgreen Enterprises. Ayon kay Gatchalian, may paglabag sa labor practices ang kompanya kabilang ang hindi pagbabayad ng overtime, night differential at holiday pay. May paglabag din umano sa Civil Code Law ang kompanya kabilang ang mayor’s permit at hindi pagbabayad ng buwis. Humingi ng paumanhin ang may-ari ng pabrika kay Mañoza, pero sabi ng Valenzuela LGU, tuloy ang pagsasampa ng kaso laban dito.
Ang nangyaring ito ay maaaring nagaganap na noon pa pero hindi nabubulgar. Salamat sa social media dahil madaling nabubuking ang masamang gawain ng mga pabrika o kompanya sa kanilang mga manggagawa. Barya na nga ang suweldo, “binarya” pa.
Nararapat kumilos ang DOLE para mamonitor ang mga kompanyang walang malasakit sa kanilang manggagawa. Hanapin sila at parusahan.
- Latest