Bakuna, ilapit sa mga senior!
Tuwang-tuwa ang mga senior dahil pinapayagan na silang makalabas at makagalaw-galaw sa labas ng kanilang bahay.
Yun nga lang ang pinapayagan lang eh mga senior na ‘fully vaccinated’ na.
Maliit na bilang pa lamang ito.
Ayon nga sa DOH, mababa ang turn-out ng mga nagpapabakunang senior.
Nasa 5 porsiyento pa lamang ng nasa walong milyong mga senior citizen ang natuturukan ng bakuna.
Nakikitang dahilan dito, eh takot, ng mga nakakatanda na mahawaan ng COVID, takot mag-commute patungo sa mga vaccination center, isama pa ang bilang ng mga bedridden.
Kaya nga malaking bagay marahil kung lalong mapaigting ng mga local government units na sila na ang maglapit ng bakuna sa mga senior.
Malaking bagay ang house-to-house na pagbabakuna sa mga senior, na hindi na sila mahihirapang bumiyahe, hindi na mahihirapan sa mga pila at paghihintay sa mga vaccination center.
Kung magtungo man sa vaccination center sana ay maglaan ng exclusive na pila sa mga senior o kaya ay exclusive date para sa kanila para di masama sa sangkaterba nang essential workers.
Ang ganitong mga pribilehiyo sa mga nakakatanda ay magbibigay sa kanila ng lalong kumpiyansa sa bakuna.
Pero mas mainam nga rito na ang bakuna ay mailapit na sa kanila sa pamamagitan nang house- to -house vaccination na ginagawa na ng ilang LGUs lalo na sa Metro Manila.
Kung bakunado na ang mga ito, kahit papaano ay may proteksyon at maaari na rin na makalabas kahit saglit ng kanilang bahay.
Malaki ang maitutulong nito hindi lang sa kanilang kalusugan kundi maging sa kanilang isipan na maaaring bahagyang naapektuhan sa matagal na pagkakakulong sa bahay dahil sa pandemya.
- Latest