Ang sirang telepono
Sa edad na 65, retirado na si Rudy bilang guro ng pampublikong paaralan sa elementarya. Para hindi mainip ay nag-aral siya ng pagkukumpuni ng cell phone. Pagkaraan ng ilang buwan ay nagtayo na siya ng shop sa tapat ng bahay nila. Nang lumakas ang kanyang repair shop ay nagbenta na rin siya ng brand new cell phones.
Isang araw ay nakita niyang kausap ng kanyang misis na si Margie ang kapitbahay nilang biyuda na si Doktora Pineda. Ito ang 85 years old nilang kapitbahay na retirado na rin sa pagiging manggagamot. Nakita niyang inakay ng kanyang Misis si Doktora patungo sa kanyang kinaroroonan.
“Rudy, paki-check-up ang cell phone ni Doktora. Bakit daw hindi nagri-ring?”
Kinuha kaagad ni Rudy ang cell phone. Pinindot-pindot. May iba pa siyang ginawa na nagbigay sa kanya ng final conclusion na walang sira ang cell phone.
“Doktora, wala pong sira ang iyong cell phone.”
Maluha-luhang nagsalita ang matanda.
“Bakit isang buwan na akong hindi tinatawagan ng aking mga anak? Kaya nag-isip akong sira ang aking cell phone.”
Awang-awa ang mag-asawa sa matandang kapitbahay. Lahat ng tatlong anak ni Doktora ay sa abroad naninirahan at nagtatrabaho. Ang kasama lang nito sa bahay ay isang pamangkin na matandang dalaga at maid na sampung taon nang naglilingkod sa pamilya.
Noong nakaraang Mother’s Day ay nasorpresa si Doktora, dahil sabay-sabay na nag-uwian ang mga anak nito. Natutuwang pinapanood ng mag-asawang Rudy at Margie ang nagkakasayahang mag-iina sa veranda. Walang kaalam-alam si Doktora na si Margie ang naging instrumento para mag-uwian ang mga anak nito.
Lihim na tinawagan ni Margie ang panganay na anak ni Doktora na bestfriend nito. Ikinuwento ni Margie kung gaano kalungkot ang kanilang ina sa hindi pagtawag nilang magkakapatid. Sa sobrang kalungkutan ay napagkamalang sira ang cell phone nito.
- Latest