Taong ‘Nega’
ANG elepante ay napakalinis sa katawan kaya tinawag siyang Elepanteng Makinis. Araw-araw ay may schedule siya ng paliligo sa ilog. Minsan, habang naglalakad sa tulay ay nakasalubong naman niya si Baboy Burara. Nakakatagal ito na hindi naliligo ng ilang araw kahit maghapon siyang gumulong sa putikan.
Umusod si Elepante sa pinakagilid ng tulay at ipinagpatuloy ang paglalakad. Si Baboy ay buong pagmamalaking pumagitna pa sa tulay habang naglalakad. Nakasalubong ni Baboy ang kanyang mga kaibigang kapwa baboy at nagwika:
Nakita n’yo yun? Tumabi si Elepanteng Makinis nang masalubong ako, kasi takot siya sa akin.
Narinig ng mga tsismosang elepante ang sinabi ng baboy kaya sinabi nila ito kay Elepanteng Makinis.
Napangiti si Elepanteng Makinis.
Napakaliit ni Baboy para ako ay matakot. Ipitin ko lang siya sa pagitan ng aking mga binti, tiyak na para siyang tiniris na kuto. Kaso hindi ko iyon gagawin. Takot akong mapadikit sa maputik niyang katawan at nadidiri ako sa mabaho niyang amoy kaya tumabi ako nang magkasalubong kami sa tulay.
Parang mga tao. Umiiwas kang patulan ang mga taong naninira sa iyo, hindi dahil natatakot ka sa kanila kundi umiiwas ka sa bitbit nilang negativity. Madalas pa naman, ang mga taong “nega” ay hindi tumatanggap ng katwiran at walang kahiya-hiyang makipag-away sa publiko.
“Don’t let negative and toxic people rent space in your head. Raise the rent and kick them out.” — Robert Tew
- Latest