Anting-anting
NOON ko pa naririnig na ang matatandang may anting-anting sa aming lugar ay umaakyat sa bundok Banahaw tuwing Biyernes Santo upang i-energize ito isang beses sa isang taon. Ayon sa aking ina, ang kanyang ama ay mahilig sa anting-anting kaya raw ito bigla na lang “nawawala” tuwing Mahal na Araw. Paano nga ay ilang araw pala itong tumitigil sa bundok mula Miyerkules Santo hanggang Biyernes Santo para “palakasin” ang anumang anting-anting na hawak nito.
Ang aking lola ay kontrang-kontra sa anting-anting hobby ng aking lolo. Ang kagipitan nila sa pera ay isinisisi niya sa anting-anting. Oo nga at iniiiwas ka ng anting-anting sa kapahamakan ngunit iniiiwas ka rin na magkamit ng kaginhawahan sa materyal na bagay.
Napatunayan kong may anting-anting ang aking lolo nang isang gabing nakitulog siya sa aming bahay. Nahuli ko siyang tinataga niya ang kanyang braso ng matalim na itak (halatang bagong hasa dahil nangingintab ang talim) ngunit tumatalbog lamang ang talim sa kanyang balat.
Nang tanungin ko kung bakit hindi siya nasusugatan, ang tanging sagot lang sa akin ay: “Pangmatanda lang ang kaalamang ito, hindi mo maiintindihan.”
Hindi ko makakalimutan ang huling araw ni Lolo sa mundong ito, noong kasalukuyang naghihingalo siya. Kailangan pa naming tumawag ng isang albularyo para matapos na ang kanyang paghihirap. Parang may kung anong bagay sa kanyang bibig na gusto niyang iluwa pero hindi naman ito maisuka.
Ayon sa albularyo, may “subo” raw ang aking lolo. Ito raw ay “mutya” na isinubo sa kanya ng magulang noong beybi pa lang siya. Kailangang mailuwa ito ng aking lolo para tuluyan na siyang makapagpahinga. Sa tulong ng ritwal na isinagawa ng albularyo, lumabas mula sa bibig ang isang puting bagay, parang white seed na nawala na lang bigla. Pagkatapos noon ay payapang ipinikit ni Lolo ang kanyang mga mata.
Hindi ko kinokondena o sinasang-ayunan ang paggamit ng anting-anting. Ang sa akin lang, mas safe gawing anting-anting ang pananampalataya sa Diyos. Wala kang ibang gagawin kundi itago ang pananampalatayang ito sa kaibuturan ng ating puso at presto…ang kapalit nito ay buhay na walang hanggan.
- Latest