Bulaklak
ANG babae ay bumaba sa tapat ng Dangwa flower market sa Dimasalang, Sampaloc, Maynila, para umorder ng bulaklak na ipadedeliber sa kanyang ina sa Cebu. Birthday ng kanyang ina kinabukasan.
Ang babae ay sa Maynila nagtatrabaho at wala nang oras para umuwi sa Cebu. Limang taon na niyang hindi nakikita ang ina. Katunayan ay katatanggap lang niya ng text mula sa ina: “Anak, miss na kita, kelan ka uuwi rito?”
Habang nag-iisip ang babae ng isusulat sa card na kasamang ipapadala sa bulaklak ay nahagip ng kanyang atensiyon ang dalagitang bumibili rin ng bulaklak. Tatlong roses lang ang binibili ng dalagita pero sa malas ay kulang pa ang perang pambayad.
Nahalata ng babae na pinoproblema ng dalagita ang kulang na pera kaya nilapitan niya ito. Nag-alok ang babae ng tulong na siya na lang ang magdadagdag ng kakulangan.
Sabay na lumabas sa flower shop ang babae at dalagita. Matapos magpasalamat ay naikuwento ng dalagita na malayo pa ang kinaroroonan ng kanyang inang pagbibigyan ng tatlong roses na binili kaya nagmamadali itong nagpaalam sa babae.
“Bakit nasaan ba ang iyong ina?”
“Nasa Novaliches public cemetery. Two years na po siyang patay. Sige ho. Bye.”
Natulala ang babae. Agad siyang bumalik sa loob ng flower shop.
“Miss, ika-cancel ko na lang ang delivery ng bulaklak na inorder ko. Ibigay mo lang ang bulaklak sa akin. Ako na lang ang personal na magdadala niyan sa aking pagbibigyan.”
Wala siyang pakialam kung mahal ang pamasahe sa eroplano. Okey lang kahit mag-absent siya sa trabaho.
Ang mahalaga’y magkita sila ng kanyang ina. “Miss na miss na kita mommy…”
- Latest