Ano ang mangyayari kapag hindi nakabayad ng real property tax?
Dear Attorney,
Dahil po nagipit ako sa pera nitong mga nakaraang taon, nakaligtaan ko ang pagbabayad ng real property taxes. Ano po ba ang maaring mangyari kung tuluyan akong hindi makabayad? —Deo
Dear Deo,
May mga pananagutan ang mga hindi makapagbayad ng real property tax at ang pa-ngunahin sa mga pananagutan na ito ay ang pagbabayad ng interest sa halaga ng real property tax na hindi pa nila nababayaran.
Ayon sa Local Government Code, papatungan ng 2% na interest kada buwan ang buong halaga ng real property tax na hindi pa nababayaran ng delinquent na taxpayer.
Ang 2% interest na ito ay ipapataw hangga’t hindi nababayaran ang buong halaga ng real property tax ngunit ayon din sa Local Government Code ay hindi maaring maging higit sa 36 buwan ang pagpapataw ng interest na ito o katumbas ng 72% interest.
Ano ang mangyayari kung higit sa 36 buwan na ay hindi pa rin nakakapagbayad ang taxpayer?
Ayon sa Local Govermment Code ay maari nang i-levy o kuhanin ng local pamahaalan ang real property na pinatawan ng tax na hindi nababayaran sa pamamagitan ng pagkuha ng warrant. Maari ring magsampa ng kaso ang gobyerno upang makolekta sa delinquent taxpayer ang halaga ng buwis na hindi pa niya nababayaran.
Base sa mga nabanggit, makikitang napakahalaga ang pagbabayad sa tamang oras ng real property tax dahil siguradong mas malaking sakit sa ulo lang ang magiging dulot sa iyo kung babalewalain mo ito.
- Latest