180 Degrees Rehab sarado na!
SARADO na ang 180 Degrees Rehabilitation Center sa Cebu at Bohol sa bisa ng Cease and Desist Order na inisyu ng Department of Health-Region 7. Hindi accredited ng ahensiya ang 180 Degrees na mag-operate bilang rehabilitation center.
Inililipat na umano ang rehab clients ng 180 Degrees.
Nanghimasok na rin ang National Bureau of Investigation-Region 7 para sa criminal cases na isasampa sa may-ari at staff ng rehab.
Iisa ang reklamo ng mga rehab clients na patuloy na nakikipag-ugnayan sa BITAG. Pare-parehong nakaranas ng pambubugbog at pang-aabuso sa loob ng pasilidad
Kinumpirma sa akin ni NBI-VII Regional Director Atty. Renan Oliva, malaking krimen ang kinasasangkutan ng mga nasa likod ng pagdukot at sapilitang pagditine sa mag-asawang Fil-Am nurses na lumapit sa BITAG.
Maging ang Rumah Highlands Hotel ay sangkot sa nangyari. Pinayagan ng Rumah Hotel ang mga empleyado ng 180 Degrees Rehab na posasan, bugbugin at kaladkarin ang mag-asawa kahit walang court order.
Ibig sabihin, may pananagutan ang manager, pamunuan at mga empleyado ng Rumah Hotel na naroon nang araw na iyon.
Pawang mga nanonood at nakatingin lamang habang kinakaladkad ang mag-asawa at nagsisisigaw ng tulong mula sa kuwarto palabas ng hotel.
Sa impormasyong ipinaabot sa BITAG ng isa sa limang counsellors ng 180 Degrees Cebu na nasampahan ng kasong murder dahil sa pagkamatay ng isang rehab client nitong Enero lang.
Galit sila sa nagmamay-ari ng pasilidad dahil pinabayaan daw sila nito nang mabulabog ang kanilang operasyon. Umano’y pinagtataguan at hindi na raw sila kinakausap ni Jotham Cruz.
Hindi na raw ito sasagot kahit kanino, bahala na raw ang kanyang abogado na sumagot at magrepresenta sa kanya sa korte. Ayon pa sa aming source, pinakamahal na abogado raw sa Cebu ang kinuha ni Cruz.
- Latest