EDITORYAL - Mga abusado’t mararahas na enforcers sa Parañaque
MARAHAS ang ginawa ng limang miyembro ng Parañaque City Task Force sa isang vendor noong Sabado habang nagsasagawa ng clea-ring operations sa Baclaran. Nakunan ng video ang pananakit ng limang enforcers sa vendor na si Warren Villanueva. Kinukuha ng enforcers ang kariton ni Villanueva subalit nagmatigas ang vendor. Ayaw nitong ibigay ang kariton na may mga paninda.
Pinatulungang posasan ang vendors at pinadapa sa semento. Hindi pa nasiyahan ang isang enforcer, sinipa pa nito sa mukha si Villanueva habang nakadapa. Pagkatapos nang marahas na aksiyon, kinuha ng enforcers ang mga paninda ni Villanueva.
Napanood ni Parañaque City Mayor Edwin Olivarez ang video at maski ito ay nagulat sa ginawa ng limang enforcers. Sa loob umano ng limang taon mula nang itatag ang task force na namamahala sa clearing operations, ngayon lamang nakita ang pag-abuso ng mga iyon. Ayon kay Olivarez, malinaw ang utos niya na ipatupad ang maximum tolerance sa clearing operation. Hindi aniya nasunod ang protocol.
Mariing sinabi ni Olivarez na hindi niya kukunsintihin ang ginawa ng limang enforcers at mahaharap ang mga ito sa kasong administratibo at masisibak sa puwesto. Umabuso umano ang mga ito sa puwesto at kailangang managot. Ipinahahanda na umano ni Olivarez ang pagsasampa ng kaso sa limang enforcers. Niliwanag ng mayor na ang mga miyembro ng task force ay mga casual employees.
Masyadong naging marahas ang limang enforcers at nararapat lamang na maalis sila sa puwesto. Hindi sila karapat-dapat sa puwesto na masyadong pinananaig na sila ay nasa kapangyarihan at lahat nang gusto nila ay masusunod gaya nang pagpapaalis sa mga vendor. Oo nga’t may batas na bawal ang vendor sa lugar pero pinakiusapan muna sana nila si Villanueva at hindi sinaktan agad na para bang umiiral pa ang batas militar. Dapat din namang intindihin ang kalagayan ng vendors na nagnanais mabuhay kaya nagtitinda. Dapat unawain na naghihirap sa buhay dahil sa pandemia.
Dapat lang masibak sa puwesto ang limang abusado at marahas na enforcers. Kung hindi sila mapaparusahan, mauulit ang pangyayari at maaa-ring tularan ng iba pang abusado sa kapangyarihan.
- Latest