EDITORYAL - Mailap ang hustisya sa SAF 44
ANIM na taon na ang nakalilipas mula nang imasaker ng mga rebeldeng Moro Islamic Liberation Front (MILF) at Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) at 44 na miyembro ng PNP-Special Action Force (SAF) sa Mamasapano, Maguindanao. Hanggang ngayon, wala pa ring nakakamit na hustisya ang mga naulila ng 44. Walang closure sa karumal-dumal na pagpatay. Ang sakit na naramdaman ng mga kaanak ng SAF 44 ay maantak pa rin. Sariwa pa ang sugat at habang ginugunita ang ika-anim na anibersaryo, lalo nang umantak ang sugat. Isinisigaw nila ang katarungan para sa minasaker na SAF. Hanggang kailan sila maghihintay?
Noong nakaraang taon, sinabi ng Malacañang na ginagawa nila ang lahat ng paraan para makamit ng mga kaanak ang hustisya. Hindi raw nalilimutan ang kabayanihan ng 44 na miyembro ng SAF. Tiniyak ng pamahalaan na makakamit ng mga naulila ang hustisya. Ang tanong ay kailan?
Nagkaroon ng imbestigasyon sa Senado noong 2017 pero nagturuan lang ang military general at mga dating opisyal ng Philippine National Police na may kina-laman sa “Oplan Exodus”. Itinuturo ng military general ang dating hepe ng Special Action Force na hindi nakipag-coordinate sa kanila kaya hindi nabigyan o napadalhan ng tulong habang nakikipagbakbakan sa MILF at BIFF. Pero itinanggi iyon ng dating hepe ng SAF. Ayon sa kanya, maaga pa lamang ay humingi na siya ng artillery support sa AFP. Pero walang dumating na tulong. Dahil hindi nasaklolohan, nalagas ang 44 na SAF. Ang 44 ang nagsilbing blocking force sa mga sumalakay sa kubo ng teroristang si Marwan. Napatay si Marwan.
Pitong oras nakipaglaban ang SAF 44 sa MILF at BIFF noong madaling araw ng Enero 25, 2015 pero walang sumaklolo sa mga ito. Hinayaang patayin ang police commandos at ang masakit pa pinagnakawan pa ang mga ito. Ninakaw ang cell phones, uniporme, combat boots at baril ng mga ito.
Hanggang ngayon, malaking katanungan kung bakit hindi nasaklolohan ng AFP ang mga nasukol na SAF. Ano ang dahilan at hindi nila pinagsikapang respondehan gayung kayang-kaya naman ayon sa salaysay ng ibang sundalo. Bakit hinayaan nilang patayin ng mga kalaban ang 44?
Hindi dapat malimutan ang trahedya ng magigi-ting na SAF 44. Huwag hayaang mawala na lamang sa alaala ang kanilang kabayanihan. Ipagkaloob sa kanila ang hustisya.
- Latest