Pakikipagdiborsiyo ng Pilipino sa foreigner na asawa, kikilalanin ba sa Pilipinas?
Dear Attorney,
Ako po ay nagpakasal sa isang foreigner sa Japan. Hindi po naging maganda ang aming pagsasama kung kaya’t ako po ay nag-file ng divorce doon. Nang ma-grant po ng korte sa Japan ang divorce ay bumalik na rin po ako dito sa Pinas. Ngayon ay may kinakasama na ako at may balak na rin po kaming magpakasal. Maaari na po ba akong magpakasal muli rito sa Pilipinas? Sabi po kasi ng nakausap kong abogado more than five years ago ay hindi raw kikilalanin ang divorce ko sa Japan dahil ako ang nag-file ng petisyon sa korte roon. Dapat daw ay ang asawa kong foreigner ang humiling sa korte kung gusto kong kilalanin ito ng mga hukuman dito. — Emmy
Dear Emmy,
Maaari nang kilalanin ang diborsiyong nakuha mo mula sa korte sa Japan. Bagama’t tama naman ang sinabi ng abogado noong tinanong mo siya limang taon na ang nakararaan. Nagbaba ang Korte Suprema ng desisyon noong 2018 sa kaso ng Republic v. Manalo (G.R. No. 221029, 24 April 2018) kung saan nakasaad na kikilalanin na rin ang mga divorce decree sa ibang bansa kahit pa ang Pilipinong asawa ang humiling nito mula sa korte roon.
Dati kasi, maaari lamang kilalanin ang pakikipagdiborsyo ng isang Pilipino kung foreigner ang kanyang asawa at ang foreigner ang humiling ng divorce mula sa korte ng banyagang bansa.
Salamat sa Republic v. Manalo, kikilalanin na rin ngayon ang divorce decree kahit pa ang Pilipino ang lumapit sa banyagang korte para makipaghiwalay sa kanyang asawang foreigner.
Angkop ang nabanggit na kaso sa sitwasyon mo kaya kahit ikaw ang nagpetisyon na ikaw ay mahiwalay sa asawa mong foreigner, maaarimg kilalanin ng hukuman dito ang divorce decree na nakuha mo sa Japan. Kailangan mong mag-file ng Petition for Recognition of Divorce Decree sa Regional Trial Court ng lugar kung saan ka nakatira.
Upang kilalanin ang divorce decree na nakuha mo sa Japan, kailangan mong ipresenta ang mga kaugnay na batas ukol sa diborsiyo ng Japan, at nakuha mo ang divorce decree nang naaayon sa mga batas na ito. Kung katigan ka ng korte, saka mo lamang maaaring ipabago ang civil status mo upang ikaw ay magkaroon muli ng kakayahang maikasal dito sa Pilipinas.
- Latest