Pag-inom ng soju na binabaran ng putakti, ikinabahala ng health officials sa Sokor matapos mag-trending sa internet
NAGLABAS ng health warning ang isang ahensiya sa South Korea upang balaan ang kanilang mga mamamayan na huwag ihalo sa kanilang iniinom na soju ang putakti (wasp).
Ayon sa Ministry of Food and Drug Safety, puwedeng maging sanhi ng kamatayan o magkaroon ng malubhang kondisyon ang isang tao na iinom ng soju na binabaran ng putakti.
Naging trending kamakailan sa mga South Korean netizens ang kakaibang recipe ng alak na ito dahil nakakapagpababa diumano ito ng blood pressure at blood sugar. Bukod sa putakti, naging trending recipe din ang pagbabad ng alupihan at bulate sa soju.
Ayon sa researcher ng nasabing ahensya na si Kim Seung-hwan, matagal nang ginagawa sa mga liblib na probinsiya ang pagbabad ng mga insekto sa soju pero dumami ang sumubok matapos kumalat ang recipe sa internet.
Lalo pang nabahala ang mga awtoridad nang mapag-alaman na may isang illegal na tindahan sa Hwaseong city na nagbebenta ng mga soju na may nakababad na mga alupihan at putakti.
Paalala ng researcher na si Kim Seung-hwan, wala pang katibayan na nakakagamot sa mga karamdaman ang pinaghalong insekto at soju at mas posible na allergic reaction ang makuha ng mga taong iinom nito na magiging dahilan ng kamatayan.
- Latest