Lalaki sa Florida, nakipagbuno sa buwaya upang mailigtas ang alagang tuta
ISANG lalaki sa Florida ang hindi nagdalawang-isip na sumaklolo sa kanyang alagang tuta nang sakmalin ito ng isang buwaya at kaladkarin papunta sa ilalim ng sapa.
Ayon kay Richard Wilbanks ay nasa labas siya ng kanilang bahay nang marinig niya ang tahol ng kanilang alagang tuta na si Gunner na halata raw niyang nasa panganib.
Nang pumunta raw siya sa likuran ng bahay ay doon na niya nakita si Gunner na nasa kalapit na sapa at sakmal-sakmal na ng isang buwaya na nagtatangka nang hilahin ang tuta pailalim ng tubig.
Agad nilusong ni Wilbanks ang sapa at doo’y binuno ang buwaya. Pinaghiwalay niya ang mga panga nito dahilan upang makatakas si Gunner.
Sa kabutihang palad, hindi naman malubha ang pinsalang tinamo ni Gunner, samantalang nagkasugat-sugat naman ang mga kamay ni Wilbanks.
Pinapaalalahanan ni Wilbanks ang mga may pet owners sa Florida na huwag papabayaang mag-isa ang kanilang mga alaga sa mga kalapit na sapa at ilog dahil nasa panganib ang mga ito sa mga gumagalang buwaya sa kanilang lugar.
- Latest