Ang kuwento ng sikat na tsismosa
MAAYOS ang buhay ni Precy dahil maganda ang trabaho ng kanyang asawa sa Saudi. May dalawa silang anak na pawang nag-aaral sa private school. Pero mababa lang ang pinag-aralan ni Precy kaya hindi siya makapagtrabaho. Palibhasa ay walang pinagkakaabalahan, nakaugalian niyang palipasin ang maghapon sa pakikipagkuwentuhan sa mga kapitbahay. Kaso Reyna at Prinsesa ng mga tsismosa ang nakabarkada niya kaya naging tsimosa na rin siya. Naging magulo ang kanyang buhay. Laging may sumusugod sa kanilang bahay para komprontahin sa mga tsismis na siya raw ang nagpakalat. Ipagtanong mo lang ang kanyang pangalan, ang unang sasabihin sa iyo ng napagtanungan mo ay: Sinong Precy, yung tsismosa na taga-Lorenzo Street? Ganoon siya kasikat. Pati ang street ng kanilang bahay ay alam na alam ng mga tao.
Lagi siyang busy sa pangangapitbahay kaya nawalan siya ng oras para sa kanyang mga anak. Tamad mag-aral ang kanyang dalawang anak. Sa sobrang katamaran, ni hindi nakuhang tapusin ang high school. Ang isa pang bagay na ikinasikat niya ay ang pagiging inggitera. Ang sabi ng matatanda, ang kapatid ng inggitera ay mga pasikat o mahilig magpayabang ng kanyang mga gamit. Kapag nainggit halimbawa sa bagong gamit ng kapitbahay, pipilitin din niyang bumili ng kahit anong gamit sa bahay at sisiguraduhin na makikita ng buong barangay ang pagdedeliber ng kanyang bagong gamit.
Pero dumating ang malas sa kanyang buhay. Naghirap sila dahil natanggal si Mister sa trabaho sa Saudi. Hindi na ito makabalik doon sa hindi malamang dahilan. Kapag sari-ling baho, magaling siyang magtago ng lihim. Nawawala ang pagiging tsismosa. Pag-uwi dito ay hindi makakuha ng trabaho si Mister dahil ang kanyang skill ay pang-Saudi lang. Idagdag pa na matanda na ito.
Si Precy ay dati nang may diabetes at alta presyon pero may phobia sa doktor. Umiinom na lang ito ng herbal medicine na hindi man ikinukunsulta sa doktor. Lumala ang sakit hanggang isang araw ay nabalitaan na lang ng madlang pipol na natigok na ang sikat tsismosa.
Ang mister niya ay basta na lang umalis sa kanilang bahay at hindi na malaman pa kung nasaang lupalop ngayon. Ang mga anak na pawang bulakbol ay hindi man lang nakatapos ng high school. Kung ang nanay nila ay naging sikat na tsismosa, ang mga anak naman ay naging sikat na adik sa kanilang lugar.
Napag-isip-isip ko, mas malaking porsiyento ang ginagampanan ng ina kaysa ama sa pagmolde ng pagkatao ng kanyang anak. Taglay kasi ng mga ina ang “nurturing power”. May kung anong magic ang kanilang pag-aalaga. May kakilala akong naging adik noong high school pero ang kanyang ina ay buong tiyagang sumubaybay sa anak. Lagi itong nakikipag-usap sa mga titser upang malaman kung anu-ano ang pinaggagagawa ng anak. Ngayon, ex-addict na lang ang anak. Pinilit ng ina na ituwid ang landas na nilalakaran ng anak. Nakatapos ito ng kolehiyo, may magandang trabaho at isa nang matinong ama ng tahanan.
- Latest