Maari bang gamitin ang chat messages bilang ebidensiya sa nangangaliwang asawa?
Dear Attorney,
Nahuli ko po ang aking asawa na ka-chat ang kanyang kabit. Maari ko po bang gamiting ebidensiya ang screenshot ng chat messages nila kung kakasuhan ko ang aking asawa? — Jenny
Dear Jenny,
Oo, maaring magamit na ebidensya ang chat messages. Sa ilalim ng Rules on Electronic Evidence ay maaring tanggapin ng korte ang mga tinatawag na “ephemeral electronic communication” katulad ng chat at text messages bilang ebidensiya basta’t naipresenta ang mga ito sa tamang paraan.
Ang mas mahalagang katanungan ay kung sapat bang ebidensiya ang mga chat messages na tinutukoy mo para mapatunayan ang mga balak mong iparatang sa iyong asawa.
Hindi mo nabanggit kung ano mismo ang laman ng chat messages sa pagitan ng asawa mo at ng sinasabi mong kabit niya at kung ano mismong reklamo ang balak mong isampa. Kung balak mong magsampa ng kriminal na kaso na karaniwang isinasampa laban sa isang asawang nangangaliwa katulad ng concubinage o adultery, kailangang maging sapat ang ebidensya mo upang mapatunayan ang iyong paratang.
Tandaan na kailangang proof beyond reasonable doubt ang kailangang maipresenta sa hukuman upang mahatulang may sala ang isang akusado. Ibig sabihin, wala dapat makatwirang duda o alinlangan ukol sa pagkakaroon ng sala ng isang akusado. Kaya kung aasa ka lang sa chat o text messages ay baka mahirapan kang mapatunayan ang iyong mga paratang dahil madaling itanggi ang pinanggalingan at ang mga nilalaman ng electronic na mensahe. Kahit pa sabihin mong nakasaad sa mensahe ang mga elemento ng krimeng isinampa mo ay madali pa ring sabihin ng akusado na hindi siya ang gumawa ng mga mensahe o hindi naman nangyari ang mga kaganapang nakasaad sa kanilang naging usapan.
Pinakamainam kung hindi ka aasa sa mga chat messages lamang at mayroon ka pang ibang ebidensya na magpapatunay sa mga kriminal na reklamong isinampa mo. Ang chat messages sa pagitan ng iyong asawa at ng sinasasabi mong kabit niya ay magsisilbi lamang suporta na magpapatunay at magpapalakas sa iba mo pang ihahaing ebidensiya.
- Latest