Hindi ako susuko (3)
NATATANDAAN ni Reagan na Grade 5 siya nang malaman niyang nahihilig siya sa pagdudrowing. Una ay sa pahina ng kanyang notebook. Nakakapagdro-wing siya ng mukha ng tao sa ilang minuto lang. Mukha muna sa una. At pagkatapos ay buong katawan na. Ballpen lang ang ginagamit niya.
Nang makita ng mga kaklase niyang lalaki ang dinrowing niya, nagkulumpunan sa kanya ang mga ito.
‘‘Ang galing ni Reagan! Paano mo nagawa yan!’’ tanong ng kaklase.
Hindi siya sumagot at ipinagpatuloy ang pagdu-drowing.
“Ang husay mo Reagan! Baka maging illustrator ka sa komiks.’’ Noon ay mayroon pang pailan-ilang komiks.
“Oo nga, Reagan.’’
Napangiti lang si Reagan.
Nang dumating ang kanilang guro ay saka lamang tumigil si Reagan sa pagdudrowing.
Noong Grade 6 naman siya, minsan ay nagtanong ang kanilang guro kung sino ang marunong magdrowing sa blackboard.
“Mam si Reagan po mahusay magdrowing.’’
Tinawag ng guro si Rea-gan at pinagdrowing ng bahay kubo na ang background ay mga puno at bundok.
Hangang-hanga ang guro sa kanya.
Napangiti si Reagan habang inaalala ang mga nakalipas.
Ipinagpatuloy niya ang ginagawang pagdudrowing habang nasa lilim ng punong mangga at nagpapahinga mula sa paggagamas ng palayan.
Nang biglang dumating ang tatlong nakababatang kapatid na lalaki.
“Kuya anong ginagawa mo?’’ tanong ni Kennedy.
“Nagdudrowing.’’
Tiningnan ni Kennedy. Nakiusyuso naman sina Nixon at Clinton.
“Ang ganda Kuya!’’ sabay-sabay na sabi ng tatlong kapatid.
(Itutuloy)
- Latest