13-anyos na imbentor, gumawa ng generator mula sa materyales na nakuha sa junk shop
PROBLEMA ang kawalan ng kuryente sa bayan ng Freetown, Sierra Leone.
Ito ang nag-udyok sa 13-anyos na si Kelvin Dloe na umimbento ng generator para malutas ang problema nila sa kawalan ng kuryente. Sawang-sawa na sina Kelvin sa kadiliman ng kanilang bayan.
Unang ginawa ni Kelvin ay naghanap ng materyales sa junk shops. Nang makaipon ng mga gamit, sinimulan na niyang gawin ang baterya na magpo-produce ng ilaw.
Nang mabuo ang kanyang baterya, nagsilbi itong generator hindi lamang para sa kanyang pamilya kundi pati na rin para sa kanyang mga kapitbahay na pumupunta sa kanila para maki-charge ng kanilang mga cell phone.
Napaka-epektibo ng nabuong baterya ni Kelvin at marami ang nakinabang sa kanilang bayan.
Ang baterya rin ang nagsilbing generator para sa istasyon ng radyo na kanyang itinayo upang matupad ang kanyang pangarap na maging DJ ng isang FM station.
Siya ang gumawa ng sarili niyang radio transmitter at nagawa rin niyang magbigay ng trabaho para sa kanyang mga kaibigan na tinutulungan siya sa pagpapatakbo ng istasyon.
Bilang pagkilala sa kanyang mga nagawa para sa kanyang bayan, pinarangalan si Kelvin ng MIT at Harvard University na nag-imbita sa kanya para sa kanilang programa para sa mga imbentor.
Si Kelvin ang pinakabatang imbentor na naimbitahan sa kasaysayan ng nasabing programa.
- Latest