General Cascolan, mainit kina Sinas at Ferro!
WALA rin sa hulog si Philippine National Police chief Gen. Camilo Pancratius Cascolan nang sabihin niyang hindi natuloy ang promotion ni PRO7 director Brig. Gen. Albert Ignatius Ferro dahil hindi ito ang gusto niya. Kung sa tingin ni Cascolan ay aani siya ng pogi points sa pang-iinis niya kay Ferro, aba ang komento naman ng mga kosa ko sa Camp Crame ay nag-backfire ito sa kanya. Tsk tsk tsk! Bakit?
Lumabas kasi na hindi kaya ng “powers” ni Cascolan si Ferro, ayon sa mga kosa ko. Bilang permanent PNP chief kasi, lahat ng karapatan ay mayroon si Cascolan sa pagsagawa ng reshuffle sa kanyang mga tauhan. Ang ibig kong sabihin may “powers” si Cascolan para ilagay, ang sa tingin niya, ay mga PNP officials na makatutulong sa kanya o magtatrabaho para maisakatuparan ang kanyang 9-point agenda.
Kaya lang, sa reshuffle pa lang semplang na si Cascolan dahil hindi sinunod ni Ferro ang kautusan niya kaya ang nangyari ay stay put ang una bilang PRO7 director. Araguuyyyy! Hak hak hak! Hindi lang maamin ni Cascolan na nakasandal sa pader si Ferro. Tumpak!
Sa unang salpukan kasi, si Ferro ay ini-assign ni Cascolan bilang hepe ng DIPO Southern Luzon. Ayon kay Cascolan, na-demoralize si Ferro kasi nga hindi niya nakuha ang puwesto na inaasam-asam. Bago kasi ilabas ni Cascolan ang kontrobersiyal na reshuffle niya noong Set. 9 umugong ang balita na si Ferro ang uupo sa CIDG. Get’s n’yo mga kosa?
Dahil hindi natupad ang pangarap niya, si Ferro ay “nagwala” at napilitan si Cascolan na ibalik ito sa dating puwesto dahil «may gagawin pa siyang trabaho.» Ipinaliwanag ni Cascolan na hindi naarok ni Ferro na ang pag-puwesto sa kanya sa DIPO SL ay magiging daan para maging two-star rank siya.’Ika nga kapag natuloy ang plano na maging 3-star ang position ng DIPO aba, tuluy-uloy na ang promotion ni Ferro.
Kaya lang arok ‘ata ni Ferro na ang 3-star position ay nasa hangin pa kaya ninais n’yang magpalamig muna sa PRO7. Araguuyyy! Hak hak hak! May punto si Ferro dahil ang DIPO ay freezer assignment na kinakagat lang ng PNP officials na gustong ma-promote bilang 2-star. ‘Ika nga walang action sa DIPO.
Kung sabagay, hindi lang naman si Ferro ang pinag-initan ni Cascolan kundi maging si NCRPO chief Maj. Gen. Debold Sinas. Nitong nagdaang mga araw, inanunsiyo din ni Cascolan na nais na niyang ma-promote si Sinas para bigyang landas ang pag-upo ng kanyang manok na si Calabarzon police director Brig. Gen. Vicente Danao sa NCRPO.
Na-Supalpal naman si Cascolan ni Interior Sec. Eduardo Año sa pagsasabing hindi na puwedeng ma-promote si Sinas maliban na lang kung PNP chief ito. Araguuyyyy! Tsaka bakit kailangan pang inanunsiyo ni Cascolan ang promotion ni Sinas imbes na isyuhan niya kaagad ng order ito dahil PNP chief siya? Halos binigyan lang ni Cascolan si Sinas ng ilang araw para kumilos at gayahin si Ferro, di ba mga kosa? Hak hak hak!
Pag nagkataon, panay sablay ang 3-point shots ni Cascolan sa tatlong linggo niyang panunungkulan bilang PNP chief, ‘no mga kosa? Tingnan natin kung makakabawi pa si Cascolan sa darating na mga araw. Abangan
- Latest