Buhay sa Venus
NABUBUHAY muli ang interes ng mga dalubhasa sa planetang Venus. Maging ang space agency ng Amerika ay ikinokonsidera ang pagpapadala ng spacecraft doon para pag-aralan ang posibilidad na merong buhay doon. Napabalita nitong nagdaang linggo ang Venus dahil sa mga bakas ng phosphine gas na natukoy ng mga scientist sa atmosphere nito sa pamamagitan ng mga telescope. Sa ating Daigdig, nagkakaroon ng phosphine sa breakdown ng organic matter. Sinasabi ng ilang mga astronomer na maaaring isa itong sign of life na merong nabubuhay sa naturang planeta.
Idiniin ng mga researcher sa kanilang isinulat sa Nature Astronomy na ang presensiya ng phosphine ay hindi pruweba na merong buhay sa Venus. Ayon pa sa kanila, dahil lubhang acidic ang mga ulap sa broiling surface ng Venus, mabilis nitong winawasak ang phosphine. Pero lumilitaw sa pananaliksik na merong bagay na lumilikhang muli ng phosphine na isang flammable gas. Ito ang unang pagkakataong may nakitang phosphine sa pangalawang planeta ng solar system mula sa Araw.
Karaniwang inilalarawan ang kundisyon sa Venus na malaimpiyerno sa sobrang init at mas mainit pa ito sa planetang Mercury na mas malapit sa Araw.
Idinidiin ng lead author na si Jane Greaves ng School of Physics and Astronomy ng Cardiff University na ang presensiya ng phosphine lang ay hindi proof of life sa katabing planeta ng Daigdig. Maaaring may kakulangan dito na mahalaga sa buhay.
Ayon naman sa astronomer na si Alan Duffy ng Swinburne University at lead scientist ng Royal Institution of Australia, ang lumabas na pag-aaral ay isa sa nakakapanabik na senyales ng posibleng presensiya ng buhay sa labas ng Daigdig.
Komento naman ni Thomas Zurbuchen, associate administrator ng Science Mission Directorate ng National Aeronautics Space Administration na nagsagawa ng ilang fly-bys sa Venus, nakakaintriga ang bagong research.
Kung ang bagong tuklas sa Venus ay makukumpirma sa dagdag na mga telescope observation at mga space mission sa hinaharap, maaaring tutukan ito ng mga scientist. Sa nagdaan kasing mga dekada, sa ibang bahagi ng kalawakan naghahanap ng signs of life ang mga scientist na ang karaniwang binabalingan ay ang pagsilip sa Mars at sa Europa, Enceladus at iba pang icy moon nang malalaking planeta.
Ilang researcher ang kumukuwestyon sa analisis hinggil sa phosphine ng Venus at iminumungkahi nila na ang gas ay maaaring resulta ng hindi maipaliwanag na atmospheric o geologic process sa planeta na nananatiling misteryoso. Pero ang natuklasang ito ay makakahimok sa ilang planetary scientist na usisain kung hindi ba nababalewala ng sangkatauhan ang isang planeta na maaaring minsan ay naging katulad ng Daigdig.
Sinasabing ang Venus ang pinakamapanganib na planeta sa solar system. Umaabot sa 393°C ang init ng surface nito na kayang tumunaw ng lead. Mas mahaba ang maghapon niya kaysa sa taon. Siya ang pangalawang brightest natural object sa kalangitan kung gabi kasunod ng Buwan. Sila lang ng Mercury sa solar system na walang buwan.
Isang terrestrial planet ang Venus na kung minsan ay tinatawag na sister planet ng Daigdig dahil sa magkatulad ang kanilang laki, kapal at lapit sa Araw. Magkaiba lang sila sa ibang mga aspeto.
Email: [email protected]
- Latest