Tadhana
NOONG 1989, nag-aplay ang aking mister sa DZMM para maging news writer. Binigyan siya ng English newspaper. Pina-translate sa kanya sa Tagalog (under time pressure) ang ilang English news mula sa isang diyaryo. Dumaan siya sa dalawang interview at pagkatapos ay natanggap din siya nang araw na iyon. Kaya lang ay hindi niya tinanggap ang trabaho nang malaman niyang mababa ang magiging starting salary niya. Sobrang baba kumpara sa kasalukuyang sinusuweldo niya. Di ba’t kaya gusto mong lumipat ng kompanya ay para sa mas mataas na suweldo. Noon pa namang panahong iyon ay malaki ang nagagastos namin sa gatas ng aking panganay na noon ay isang taon pa lamang.
Taong 1993 ay nag-scriptwriting workshop ako. Ang isa sa mga naging resource person namin ay ang scriptwriter ng Home Along the Riles. Pinag-submit kami ng sample script. Ang mapipili ay bibigyan ng pagkakataong mag-observe sa taping at baka bigyan ng pagkakataong maging “trainee” sa pagsusulat ng script. Nangangailangan sila ng scriptwriters ng sitcoms at gag shows.
Sa telepono kokontakin ang mapipili. Gaano man ka-brilliant at nakakatawa ‘yung sinulat kong script, waley din ang kinauwian nito. Wala kasi akong landline sa bahay. Wala namang sinabi na bawal kaming tumawag sa kanila pero may mariing pahiwatig na sila ang tatawag sa mga mapipili nila kaya ‘di na kailangang mangulit. Noong panahong iyon, ang paghahangad na magkaroon ng telepono ay kahalintulad ng pagwi-wish na maka-jackpot ka sa lotto.
Noong 2015, nagkaroon ng malawakang paghahanap ng mga scripwriters ang ABS-CBN. Ang makakapasa sa talent test ay isasailalim sa scriptwriting workshop ng batikang manunulat na si Ricky Lee. Sa madaling salita ay nakapasa ang aking bunso. Hinati sa dalawang grupo ang mga nakapasa: Group 1 at Group 2. Ang group 1 ang unang isasalang sa workshop. Gaganapin ang workshop sa mismong bahay ni Ricky kaya kinailangang hatiin sa dalawang maliit na grupo ang lahat ng nakapasa.
Ang aking anak ay na-assigned sa group 2. Ang ABS ang pumili kung sinu-sino ang kabilang sa group 1 or group 2. Sa hindi na nalamang kadahilanan, natapos ang workshop ng group 1 at napili na ang magiging new scriptwriters ng channel 2, ngunit hindi na naisalang sa workshop ang group 2. Hanggang sa naging drawing na lang ang inaasahang workshop ng aking anak.
Kung sakali palang naging empleyado kami ng ABS, anong lungkot ang mangyayari sa aming kabuhayan ngayon dahil sabay-sabay kaming mawawalan ng pagkakakitaan. Kapag pala hindi mo nakamit minsan ang isang bagay na hinihingi mo sa Diyos, ay dahil may mas magandang palang grasya na naghihintay na sadyang nakatadhana sa iyo.
- Latest