^

Punto Mo

Happy birthday PNP chief General Gamboa!

SUPALPAL - Non Alquitran - Pang-masa

HAPPY birthday Philippine National Police (PNP) chief Gen. Archie Gamboa. At dahil tikom pa rin ang bibig ni President Digong hanggang 3:00 p.m. kahapon, ibig sabihin hindi na-extend ang termino ni Gamboa na mag­reretiro na ngayong araw sa edad na 56. Hindi rin nagbigay ng pahayag si President Digong kung sino ang papalit kay Gamboa kaya matic na paiiralin ang “rule of succession” at ang uupong hepe ng PNP ay si Lt. Gen. Camilo Pancratius Cascolan, ang No. 2 man­ ng PNP.

Maging si Interior Sec. Eduardo Año ay nagpahayag na si Cascolan ay puwedeng mamuno sa PNP dahil siya na ang pinaka-senior at qualified naman. Ang problema lang, magreretiro na si Cascolan sa Nobyembre 10 at sa iksi ng panunungkulan, ano pa ang positibong dadalhin niya sa PNP? ‘Yan ang tanong ng mga kosa ko! Kung sabagay, ilang tulog lang at hindi na halos mamalayan ay tapos na ang dalawang buwan at walong araw na termino ni Cascolan, na mas mahaba pa ang lockdown sa COVID-19, di ba mga kosa? Araguuyyyy! Hak hak hak!

Kapag nasa guhit ng palad ni Cascolan na maging PNP chief, eh wala na talagang makakapigil diyan!

Hindi na rin inaasam-asam ni Gamboa na ma-extend siya at sa katunayan ay nai-text na niya ang rekomendasyon niya na papalit sa kanya kay Año na nakipagkita naman kay President Digong kahapon para talakayin ang isyu na bagong PNP chief.

Habang sinusulat ang Supalpal, wala pang anunsiyo ang Palasyo kung sino ang papalit kay Gamboa. Kapag patuloy na mananahimik ang Palasyo, matic lang na si Cascolan ang uupong Officer-in-Charge ng PNP bukas. At bilang OIC, may limitasyon ang powers ni Cascolan at kailangan niya ng mandato ng National Police Commission (Napolcom) na pinangungunahan ni Año kung anu-ano lang ang dapat niyang gagawin. Araguuyyy! Hak hak hak!

Kapag benindisyunan ni President Digong ang pagiging OIC ni Cascolan, matic nang kakampihan siya ng Napolcom, kahit may ibang “manok” si Año, di ba mga kosa?

Kapag naupo namang OIC ng PNP si Cascolan, gagawa siya ng history kasi nga pang-apat siyang miyembro ng “never heard” na Philippine Military Academy (PMA) “Sinagtala” CLass ‘86 na uupo sa trono ng kapulisan. Nauna si Sen. Bato dela Rosa, Oscar Albayalde, Gamboa at heto nga si Cascolan. Kaya lang ang dating nito sa junior officers, kinakapos na ba ng magaling na opisyal ng PNP at puro ‘86 na lang?

Subalit lilinawin ko mga kosa na walang batas na nilabag si President Digong sa pag-upo ni Cascolan kasi nga qualified naman siya. Umugong din ang balitang i-extend si Cascolan ng isang taon subalit sinabi ni kosang Edith Regalado na next to impossible na ito. At kung tahasang hindi sinang-ayunan ni Año ang extension ni Gamboa eh di ganun na rin kay Cascolan, di ba mga kosa? Araguuyyyy!

Sinabi naman ni Sen. Bong Go na ang lahat ng senior PNP officers ay “palalasapin” ng puwesto ng PNP chief ni President Digong kaya hindi na dapat magsikuhan ang mga kandidato dahil iiral ang seniority dito, tulad ng nangyayari sa AFP, di ba mga kosa? Araguuyyyy! Congrats General Cascolan Sir! At least mapasama na ang pangalan mo sa listahan ng mga PNP chiefs. Abangan!

ARCHIE GAMBOA

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with