General Danao, nagpaalam na!
NAGPAALAM na si Calabarzon police director Brig. Gen. Vicente Danao sa kanyang command staff at mga tauhan nitong weekend. Subalit hindi sinabi ni Danao kung saan siya mapupuwesto dahil “secret” pa ito. Si Danao ang masasabi kong “darkhorse” sa mga kandidato na papalit kay outgoing Philippine National Police (PNP) chief Gen. Archie Gamboa na magreretiro sa Setyembre 2.
Open-secret naman na “Davao Boy” si Danao at sagradong bata ni President Digong. May nagsasabing si Danao ay maa-assign sa National Capital Region Police Office (NCRPO) subalit kapag lumaki ang hakbang nito baka dun siya lumanding sa Camp Crame. Araguuyyyy!
Maaring masabi na junior pa si Danao dahil miyembro s’ya ng Philippine Military Academy (PMA) Class ‘91 at mauungusan niya ang Class ‘86, ‘87, ‘88, ‘89 at ‘90 kung siya ang pipiliin ni President Digong na mamuno sa PNP. Sa totoo lang, wala namang nilabag na batas si President Digong kapag inginuso niya si Danao na mamuno sa kapulisan laban sa COVID-19, ‘di ba mga kosa? Hak hak hak!
Kapag si Danao ang papalit kay Gamboa, magiging masaya sa Camp Crame at kailangan niya nang maraming magic ni Madam Auring para kumbinsihing magtrabaho ang mga senior officers niya. Hehehe! Kanya-kanyang gimik lang ‘yan, di ba mga kosa?
Sinabi naman ni Interior Sec. Eduardo Año na nagsumite na siya ng tatlong pangalan kay President Digong para pagpilian nang papalit kay Gamboa. Subalit hindi pinangalanan ni Año kung sinu-sino ang nandun sa listahan niya bilang respeto kay President Digong, na puwede ring hindi pansinin ang mga kandidato niya. Ang sinisiguro lang ni Año ay parang kahit noon pa man ay may manok na si Digong na papalit kay Gamboa, at ang tanong ng mga kosa ko, «Sino kaya ang buwenas na nilalang na ‘yaon?»
Ayon naman kay PNP spokesman Brig. Gen. Bernie Banac, naghakot na ng gamit si Gamboa nitong weekend at naghahanda na sila para sa turnover ceremony na gaganapin sa PNP multi-purpose center sa Camp Crame. Hanggang kahapon, wala pang linaw kung sino ang papalit kay Gamboa subalit kung anu-anong balita na ang kumakalat na sa tingin ng mga kosa ko ay wala pang kasiguruhan. Araguuyyyy! Hak hak hak! Ang sigurado lang talaga ay birthday ni Gamboa sa Setyembre 2 at kung ano ang magaganap sa liderato ng PNP ay nakalutang pa sa hangin.
Kaya ang mga kosa ko ay nakatutok lahat sa TV, at radyo para abangan ang pag-anunsiyo ni President Digong ng bagong PNP chief at baka ang «manok» nila ang buwenasin. Maaring isabay na ito ni President Digong sa report niya sa mga Pinoy patungkol sa pakikipaglaban ng gobyerno sa COVID-19 mamayang gabi dahil dalawang tulog na lang at retired na si Gamboa. Hak hak hak! Ibuka mo na ang tikom na bibig mo President Digong Sir para matapos na ang novena at dasal ng mga alipores ng mga kandidato sa pagka-PNP chief. Abangan!
- Latest