^

Punto Mo

General Eleazar, ‘People’s Choice’ sa pagka-PNP chief!

SUPALPAL - Non Alquitran - Pang-masa

KUMALAT sa Camp Crame ang balita na mai-extend si Philippine National Police (PNP) chief Gen. Archie Gamboa subalit tinuldukan ito ni Interior Sec. Eduardo Año. Sa interbyu ng media, sinabi ni Año na “against the law” ang pag-extend kay Gamboa. Subalit di ba si dating PNP chief at ngayon Sen. Bato dela Rosa ay na-extend din sa puwesto? Kung sabagay, hindi pa si Año ang secretary ng DILG noon kaya walang sigalot sa pag-extend ng termino ni Bato. Kaya sa araw na ito kapag naghakot na ng gamit si Gamboa sa Camp Crame, ang ibig sabihin nito ay nasunod ang kagustuhan ni Año na hindi na palawigin pa ang termino ng una, di ba mga kosa? Araguuyyyy!

At kapag hindi na-extend si Gamboa, ibig sabihin n’yan madadamay din ang mistah o ka-klase niya sa Philippine Military Academy (PMA) “Sinagtala” Class ‘86 na si Lt. Gen. Camilo Pancratius Cascolan. Si Cascolan ay magreretiro na sa Nobyembre 10 subalit umaasa siya na kapag naging Officer-In-Charge (OIC) siya sa pagretiro ni Gamboa ay ma-extend pa ang termino niya. Kung “against the law” ang pag-extend kay Gamboa, anong dahilan na naiiba ang kaso ni Cascolan? Araguuyyyy! Hak hak hak! Kaya imposible ring ma-extend si Cascolan kapag si Año ang tatanungin? Tumpak!

Kapag nagtagumpay naman na maging OIC ng PNP si Cascolan, aba walang positibo na mang­yayari sa police organization. Kasi nga, hindi naman siya mapo-promote sa 4-star general tulad ni retired Gen. Dindo Espina, na mahabang naging OIC noong panahon ni dating President Noynoy Aquino dahil nasuspende si dating PNP chief Gen. Alan Purisima. Hindi lang ‘yan! Nakatali na rin ang kamay ni Cascolan pagnagkataon dahil hindi siya makapirma ng mga kontrata at programa ng PNP at maging ang pag-reshuffle at promotion ng mga opisyales nito, di ba mga kosa?

Hindi na ako lalayo pa dahil noong tumagal si Gamboa na maging permanent PNP chief, aba di ba panay ang panawagan ng PNP na sentensiyahan na siya dahil walang pipirma sa mga kontrata nila dahil sa OIC lang ang una? Kaya noong Enero naging permanente si Gamboa at naging hudyat ‘yun para makapirma siya ng papeles ng PNP kaya nawala ang panawagan nila. Araguuyyy! Hak hak hak! Kaya hindi win-win sa PNP ang pagtalaga kay Cascolan bilang PNP chief, di ba mga kosa?

Sinabi naman ni Año na matic na kasama sa mga pangalan na iendorso niya kay President Digong si Cascolan at mga senior officers na sina Lt. Gen. Guillermo Eleazar, ang DCO at hepe ng Task Force Covid Shield ng PNP at Lt. Gen. Cesar Hawthorne Binag, ang CDS naman. Idinagdag pa ni Año na ang babasehan ni President Digong sa pagpili ng PNP chief ay ang kandidatong may magandang track record, no criminal complaint filed in court at siyempre and seniority.

Kahit sino ang tanungin sa Camp Crame, ang manok ni Año talaga ay si Eleazar, na matatawag na «People’s Choice» at «Darling of the Press,» di ba mga kosa? Kailan kaya ibubuka ni President Digong ang kanyang bibig kung sino ang bagong PNP chief? Ilang tulog na lang! Abangan!

 

ARCHIE GAMBOA

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with