Ang kalaro ni Johann
WINTER. 1894. Grupo ng mga bata ang naghahabulan malapit sa ilog ng Passau, maliit na bayan sa Bavaria, Germany. Nagkukunwari sila na mga cowboy, bitbit ang baril-barilan na kapag itinutok sa kalaban ay sisigaw ng Bang! Bang! Isang batang lalaking limang taong gulang ang tumatakbo nang mabilis upang hindi siya “mabaril” ng kalaban. Noon ay nababalot ng snow ang buong bayan ng Passau, kasama na ang mga ilog na nagyeyelo rin ang ibabaw. Ang limang taong gulang na bata ay payatin at may makapal na salamin. Sa kalabuan ng mata at excitement na makalayo siya sa mga “kalaban”, hindi nito namalayan na nakarating na pala siya sa gilid ng ilog. Hindi niya napansin na ilog na ang tinatapakan niya dahil yelo ang ibabaw nito. Biglang nabiyak ang yelong tinatapakan niya at bumagsak siya sa ilalim nito. Sa sobrang pagkabigla ng bata ay napasigaw ito nang ubod ng lakas!
Sa may di kalayuan, narinig iyon ng kalarong nagngangalang Johann Kuehberger, anim na taong gulang at mas malaki ang katawan kaysa batang nahulog sa ilog. Sinundan nito ang pinanggalingan ng sigaw. Tamang-tama naman na tumalsik sa ibabaw ng yelo ang salamin kaya natukoy agad ni Johann kung saan nahulog ang kalaro. Lumusong siya mula sa butas ng nabasag na yelo at iniahon ang walang malay na kalaro. Nalathala sa local newspaper ng Passau ang kabayanihan ni Johann at idineklarang siyang batang bayani. Walang kamalay-malay na pagsisisihan ni Johann balang araw ang pagkakaligtas niya sa kalarong payatin at malabo ang mata.
Naging pari ng Katolikang Simbahan si Johann. Noong siya ay mahina na at nasa banig ng karamdaman, naipagtapat niya sa kaibigang pari na noong winter ng 1894 ay may iniligtas siyang kalaro at iyon ay pinagsisisihan niya habang buhay.
“Kung nalaman ko lang na magiging demonyo sa lupa ang kalaro kong iyon, sana ay hinayaan ko nalang siyang nanigas sa nagyeyelong ilog”.
Ang tinutukoy ng pari na kalaro niyang payatin at malabo ang mata ay si Adolf Hitler. Ang masakit pa, bukod sa mga Jews, mga Katoliko ang pinagpapatay ng demonyong ito kung saan kabilang ang kanyang naging tagapagligtas. Noong nagtagumpay sa buhay si Hitler ay hindi man lang niya nabanggit ang mga bagay na ito—na kung hindi dahil sa kabutihan ng kalaro, ay malamang na matagal na siyang patay. Nabungkal na lang ang pangyayaring ito nang isang reporter ang nag-research sa old files ng Passau. Palibhasa ay naging isang malaking balita, ito ay nakapreserba sa records ng bayang iyon na isa nang lungsod sa kasalukuyan.
- Latest