Safety measures istriktong ipatupad sa pagbabalik lansangan ng mga pampublikong sasakyan
Makakapasada na simula sa araw na ito ang mga UV Express at susunod na ang mga traditional na jeepney.
Ibig bang sabihin nito, wala nang balakid sa kanilang pagbabalik sa lansangan at matitigil na rin ang kanilang pag-aalburoto?
Pero kung talagang magtutuluy-tuloy na at wala nang magkakasalungat na pahayag o balakid sa kanilang muling pagbiyahe, dapat lamang na matiyak ng mga kinauukulan partikular ang LTFRB na masusunod ng mga magbabalik-pasada na ito ang mga safety measures para na rin sa kaligtasan ng kanilang mga pasahero.
Kung ilang porsiyento lamang ang pinapayagang isakay, yon ang dapat na isakay at sundin para sa social distancing.Hindi komo pinapasada nais agad ang malaking kita at hindi na alintana ang magiging kaligtasan at proteksyon ng kanilang mga sakay.
Nasa 30 ruta ang inaasahan ng LTFRB.
Nagdesisyon na rin ang LTFRB na pumasada ang traditional jeep at UV Express dahil hindi kaya ng mga bus at modern public utility vehicles na maserbisyuhan ang malaking populasyon ng mga commuters laluna sa Metro Manila.
Sana naman sa muling pagdami ng mga pampublikong sasakyan sa mga lansangan, ‘wag nawa itong masabayan sa pagdami pa ng kaso ng COVID.
Sana maging maingat at ‘wag maging kumpiyansa ang lahat, para ang sakit na ito ay huwag nang lumaganap, dahil sa huli kung ito ang mangyayari babalik na naman tayo sa mas istriktong quarantine at malamang muling matigil na naman ang mga paghahanapbuhay.
- Latest