Hinay-hinay sa paglabas ng bahay!
Unang araw ngayon sa pagpapairal sa general community quarantine (GCQ) sa Metro Manila.
Malaking pagbabago ang mararanasan lalo na sa paglabas ng marami nating kababayan.
Ang balik-operasyon na mga mass transport at pampublikong sasakyan na ngayon ay masusumpungan na sa mga lansangan.
Hindi maaalis sa marami ang mag-alala dahil sa pagdagsa ng mga magsisilabasan. Totoong may pangamba na magkahawaan.
Bagama’t may ipinatutupad na mga patakaran sa mga mass transport at pampublikong sasakyan nandiyan pa rin ang takot sa pandemya.
Pero ika nga, kailangan na itong harapin ng may pag-iingat para makabalik nang tuluyan sa ‘new normal’.
Sa ngayon hanggang Hunyo 21, limitado pa lang ang pababalikin sa biyaheng mga sasakyan, kabilang ito sa unang phase na inilatag ng DOTr.
Pero inaasahang unti-unti na itong dadagdagan.
Marami-rami na ring mga establisimyento at trabaho ang inaasahang magbubukas.
Sa Hunyo 7 sinasabing pinapayagan nang magbukas ang mga barberya at salon, pero ang kailangan ay gupit lang at kailangang maipatupad ang mahigpit na health safety measures.
Eto ang dapat tandaan, ginawa ang GCQ para unti-unti na tayong makabalik sa normal.
Hindi ito piyesta kung saan may laya nang magsilabas ng bahay kahit ang wala namang dahilan.Kailangang maghinay-hinay dahil nandyan pa rin ang banta ng COV ID.
- Latest