German Shepherds sa Paris, sinanay sa pag-amoy ng coronavirus
NAGBUNGA ang mga pagsasanay na ibinigay ng researchers sa Paris sa mga German Shepherd doon matapos makamit ng mga aso ang 95% success rate sa pag-detect ng coronavirus.
Ito ang inanunsyong resulta ng research na isinagawa ng l’École Nationale Vétérinaire na isang eskuwelahang pambeterinaryo sa Paris, France noong Lunes (Mayo 25).
Nagawa nilang turuan ang mga aso na kilalanin ang amoy ng pawis ng mga pasyenteng positibo sa COVID-19.
Kinuha nila ang mga sample ng pawis ng COVID-19 positive patients mula sa isang kalapit na ospital. Ibinababad sa mga sample na ito ang mga bulak na inilagay ng researchers sa ilalim ng mga traffic cones na aamuyin ng mga aso.
Tagumpay naman sa pagtukoy sa mga infected na samples ang mga German Shepherds, na dati nang mga sniffer dogs na tumutulong sa pag-detect ng mga pampasabog.
Ilang trials pa ang kailangang daanan ng German Shepherds bago sila ay tuluyang i-deploy sa mga paliparan kung saan ang kanilang kakayahan sa pag-amoy ay magiging malaking tulong sa mabilis at murang pagtukoy ng mga may COVID-19.
- Latest