EDITORYAL - Problema na naman ang baha
NANG manalasa ang Bagyong Ambo noong Biyernes sa Metro Manila, naranasan na naman ang baha. Hindi naman malakas ang ulan pero nagdulot agad ito ng baha sa ilang mababang lugar. Sa Maynila, bumaha sa Rizal Avenue, R. Papa, Taft Avenue at sa paligid ng city hall. Bumaha rin sa Araneta Avenue sa Quezon City at maging sa Buendia at Pasong Tamo sa Makati City.
Si Ambo ang unang bagyo na tumama ngayong 2020. Karaniwan nang 20 bagyo ang tumatama sa bansa sa loob ng isang taon. Isa pa lang ang tumatama at hindi pa malakas ang hatid na ulan sa Metro Manila pero umaapaw na ang baha. Paano kung pagsapit ng Hunyo, Hulyo at Agosto na sunud-sunod ang bagyo? Tiyak na hanggang tuhod o hanggang baywang ang baha sa maraming kalye sa Metro Manila. Tiyak na magiging dagat na naman ang España Blvd.
Nakabarang basura sa mga drainage ang dahilan nang pagbaha. Ayon naman sa Department of Public Works and Highways (DPWH), lagi silang nagsasagawa ng declogging lalo sa kahabaan ng España Blvd. pero marami pa ring residente ang walang disiplina sa pagtatapon ng basura. Ang mga basura ay humahantong sa mga daluyan ng tubig at doon nagbabara kaya nagkakaroon ng baha.
Nang bumaha noong nakaraang taon sa kanto ng España at Maceda Sts., sandamukal na plastic sachets at mga supot na plastic ang nakuha ng mga taga-DPWH flood control. Ang mga iyon ang bumara at dahilan nang pagbaha. Hindi natutunaw ang mga basurang ito kaya walang katapusan ang pagbibigay nila ng problema. Bukod sa mga supot na plastic na gamit ng mga vendor, marami ring nakuhang sachets ng shampoo, 3 in 1 coffee, catsup, toothpaste at pati plastic straws sa softdrinks, milktea at iba pa.
Nagbabala ang environmental groups na kung hindi gagawa ng paraan ang pamahalaan para mabawasan ang paggamit ng single use plastic, aapaw ang may 59.7 bilyong sachets sa Metro Manila.
Ngayong nananalasa ang COVID-19, dapat maging disiplinado na ang lahat lalo sa pagtatapon ng basura. Bukod sa nagdudulot ito ng pagbaha, ito rin ang dahilan sa pagkalat ng sakit.
- Latest