Hinay-hinay na pagbabalik sa normal!
Ngayon at nagdesisyon na ang Pangulo, sasailalim simula sa Mayo 16 hanggang 31 sa modified enhanced community quarantine (MECQ) ang Metro Manila, gayundin ang Laguna at Cebu City.
Bagamat nadoon pa rin ang enhanced community quarantine pero may ilang pagbabago na ipapatupad sa ilalim ng modified ECQ.
Kung sa ECQ total na walang galawan, sa ilalim ng MECQ magiging limitado ang movement ng tao, may ilang industriya na ang papayagang magbukas. May tatakbo na ring ilang pampublikong transportasyon para pagsilbihan ang ilang magbabalik trabaho.
Palatandaan lang na unti-unti nang bubuksan ang ekonomiya ng bansa.
Tama lang ang ganitong hinay-hinay na pagbabalik sa normal.
Mahirap nga naman ang bigla-biglang pagbabalik sa dati, kasi ang nakakatakot ay baka bigla na namang sumambulat ang second o third wave ng virus.
Kapag nagkaganito kasi, malamang na muling magbalik sa lockdown, ito ang mas magiging mahirap sa nakakarami maging sa bansa.
Ubos na ang kaban ng gobyerno, baka hindi na kayanin pa ang patuloy na pagkakaloob ng pinansiyal na tulong sakaling bumalik sa ECQ.
Kaya nga ang marapat ngayon, kung mayroon man bahagyang pagbabago ay pakikipagtulungan ng bawat isa.
Huwag na sanang maging pasaway, mahigpit pa ring sundin ang mga ipinatutupad na patakaran, lalo na ang pagsusuot ng face masks at maipatupad ang social distancing. Sa ganitong maliit na paraan, malaking tulong naman ito para malabanan ang COVID-19.
Katulad ng nga pahayag ng Palasyo, mahirap pang bumalik sa normal ang buhay hangga’t wala pang natutuklasang bakuna sa virus, ang tanging magagawa ngayo preventive, sumunod sa mga panuntunan para makaiwas sa pagkahawa at pagkalat ng virus.
- Latest