^

Punto Mo

Labanan ang takot…magtiwala sa Diyos, kapwa at sarili

USAP TAYO - Pastor Joey Umali - Pang-masa

MAY isang sociologist na nagsabi na ang talagang kaaway natin ngayon ay hindi naman ang COVID-19, kundi ang takot. Wika nga ni President Franklin Roosevelt ng America, “Iisang bagay lamang ang dapat nating katakutan, ang takot mismo.” Kung sabagay, sino nga ba ang hindi matatakot sa COVID-19 na isang pandemic, sapagkat apektado nito ang buong mundo.

Umaabot na sa 2.5 milyong tao ang tinamaan ng coronavirus sa buong mundo, malapit nang umabot sa 200,000 ang nangamamatay. Dito sa atin, aabot na sa 7,000 ang apektado, samantalang malapit nang umabot sa 500 ang nangamamatay. Lalong tumindi ang takot ng tao sa kamatayan. Napakahirap mamatay ngayon, lalo na kung ang sanhi ay ang COVID-19. Dati, napaglalamayan pa ang namatay at nabibigyan ng huling parangal.  Pero, ngayon, kapag namatay ang isang tao dahil sa coronavirus, kailangan itong ilibing kaagad-agad na ni ang sariling pamilya ay walang pagkakataong maglamay. Parang dalawang beses na namamatay ngayon ang namatay dahil sa coronavirus; nauuwi na lamang siya sa statistics.

Bukod sa health issue, matindi rin ang tama sa ekonomiya. Tumigil ang ekonomiya ng buong mundo, lalong tumindi at titindi pa ang kahirapan. Animo’y sumiklab ang isang digmaang pandaigdig na ang kaaway ay hindi nakikita.

Ano ang gagawin natin?  Tama si President Roosevelt, ang takot ang dapat nating katakutan.  Pero may mas malalim na sinabi si Marie Curie, ang kauna-unahang babaeng tumanggap ng Nobel Prize sa physics at sa chemistry.  Sabi niya, “Walang anumang bagay sa buhay ang dapat katakutan, kailangan lamang itong maunawaan. Ngayon ang panahon na lalo tayong dapat makaunawa para mabawasan ang ating takot.”

Ayon sa mga psychologists, isang dahilan kung bakit tayo natatakot ay kapag nawalan tayo ng kontrol sa mga bagay-bagay.  Bakit napakabigat na krisis itong COVID-19 pandemic? Sapagkat wala tayong kontrol dito.  Hindi natin ito nakikita. Hindi natin matiyak kung sino ang posibleng carrier nito. Wala pang gamot laban sa virus na ito. Ang tanging makokontrol natin ay ang ating sarili. Hindi nga natin kontrolado ang coronavirus, pero pwede nating makontrol ang reaksyon natin dito. Laging may dalawang mukha ang krisis: ang problema at ang oportunidad. Nasa atin ang pamimili kung aling mukha ang lagi nating titingnan, ang problema o ang oportunidad.

Kontrolado natin ang reaksyon natin sa krisis.  Paano ‘yong mga hindi natin kontrolado?  Ipaubaya na natin ‘yon sa Diyos. Huwag tayong matakot na ipaubaya ang mga bagay na hindi natin kontrolado sa Diyos na may kontrol ng lahat ng bagay.  Ang paglaban sa COVID-19 ay hindi lamang labang pangkalusugan at pangkabuhayan, ito’y isa ring labang espiritwal.

Noong bumangon si Hesus mula sa libingan, ganito ang mensahe Niya sa takot na takot na mga alagad, “Sumainyo ang kapayapaan!” Sa panahon ng matinding takot, maaari pa rin tayong makaranas ng kapayapaan sa pamamagitan ng pananampalataya, unang-una sa Diyos, at pagkatapos, sa ating kapwa at sa ating sarili.

Minsan, hiniling ng mga alagad kay Hesus, “Panginoon, dagdagan Mo po ang aming pananampalataya.”  Ito ang dapat na ipinapanalangin nating lahat ngayon, “Panginoon, dagdagan Mo po ang aming pananampalataya sa Inyo, sa aming kapwa, sa aming gobyerno, at sa aming sarili upang mawala ang aming takot.”

SARILI

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with