Libre at sistematikong testing na pang malawakan, hindi palakasan
NAGPADALA ng email ang Kabataan Party-list kaya naman sa malayang pamamahayag ay bibigyan natin sila ng espasyo sa kolum ng QUESEJODA.
Sa kabila ng panawagan para sa mass testing, naging walang testing kung walang sintomas ang patakaran bunsod ng limitadong suplay ng kits. Gayunpaman, sunud-sunod naman ang balita ng VIP testing ng mga opisyales kasama ang kanilang pamilya at mga istap kahit pa “asymptomatic.” Hindi nasusunod ang patakaran ng DOH, habang dagsa ang mga ulat na marami pang ospital ang walang testing kit lalo na sa mga probinsya. Hindi na rin mabilang ang mga health workers na nagkaroon ng exposure sa COVID-19 positive patients -- apat na nga ang namatay na mga doktor--ngunit hindi makakuha ng testing dahil walang sintomas.
Dahil limitado pa sa ngayon ang bilang ng testing kits, nararapat lang na ito ay para sa higit na nangangailangan, at hindi may mauuna dahil sa kapangyarihan. Kung nagagamit man ang posisyon para sa testing, ito ay mariing paglabag sa katungkulan na maglingkod sa mamamayan.
Dapat ang free #MassTestingNowPH ay nakabalakas sa pagbibigay-prayoridad sa mga sumusunod:
• health workers/frontliners, lalo na ang mga exposed sa COVID-19 positive patients
• Person Under Investigation (PUI), maging ang mga Person Under Monitoring (PUM)
• mga bulnerableng sektor ng ating lipunan (kasama ang mga matatanda).
Mainam ang social distancing at community quarantine ngunit kinakailangang tambalan ito ng national testing program para epektibong makontrol at maiwasan ang paglaganap ng virus.
Habang ang mamamayang Pilipino ay uhaw sa sapat at nararapat na suporta sa kabuhayan at serbisyong pangkalusugan, lalo ang mga pinakabulnerableng sector--mga maralita, homeless, manggagawa, may edad, may mga sakit.
Sa panahon ngayon ng lockdown dahil sa COVID-19, hindi katanggap-tanggap na ang may posisyon lang ang makikinabang sa mga serbisyo na dapat para sa lahat.
Obligasyon ng ating mga opisyal at kapwa lingkod-bayan ang paglingkuran ang mamamayang Pilipino nang buong puso, hindi ang pansariling interes. Karapatan ng mamamayan ang manawagan para sa ating katapatan at pananagutan sa pagsusulong ng kanilang kalusugan, kabuhayan at kapakanan.
Dapat maging patas at malinaw ang patakaran ng DOH sa testing kits, lalo na at may naitakda ng triage.
LIBRE AT SISTEMATIKONG TESTING NA PANG-MALAWAKAN, HINDI PALAKASAN
- Latest