Ang payong ni Mary (Last Part)
IPINAGPATULOY ng babae ang pagbabasa ng liham. Nalasing ang Amerikano sa isang bar. Nagising na lang siya kinabukasan na nakahiga sa tabi ng kalye. May nagnakaw ng kanyang bag kung saan naroon ang kanyang pera at passport. Kaka-check out niya sa hotel dahil pabalik na siya sa U.S. ng gabi rin iyon pero dumaan muna sa bar para uminom. Kaso nakursunadahan siya ng mga scammers na ang pinupuntirya ay mga puting turista. Nagising siya na walang pera, walang passport at ang pinakamasakit, walang matutuluyan. Iyon ang naging dahilan para mapilitan siyang mamalimos ng dalawang araw.
May nakasulat na pangalang “Mary” kasama ang apelyido sa ilalim ng payong. May kasamang kumpletong address ng kompanya. Sa payong nakita ng Amerikano ang pagkakakilanlan ng babaeng nagbigay sa kanya ng 100 baht na naging malaking tulong para madagdagan ang nauna niyang napalimusan nang nagdaang araw. Nagkaroon siya ng sapat na pantaksi patungong US embassy.
Bakit may pangalan sa ilalim ng payong? Sa building kung saan nagtatrabaho ang babae, pinaiiwan sa lobby ang mga payong ng guests at empleyado kapag panahon ng tag-ulan. Kailangang lagyan ng pangalan para alam ng guwardiya kung kanino isasauli ang payong sakaling ito ay makalimutan kuhanin ng may-ari.
Sinagot ng babae ang liham para sabihing natanggap niya ang ipinadala nitong thank you letter and card. Iyon ang simula ng pagpapalitan ng e-mail ng mag-asawa at ng Amerikano. Minsan sinorpresa sila ng Amerikano. Umuwi ito sa Pilipinas dahil sa isang business conference pero pinilit nitong puntahan ang babaeng nagbigay sa kanya ng 100 baht upang makita nang personal. Nagkataong naisilang na ng babae ang kanyang panganay. Iniharap nito ang anak sa bisita.
“Matthew this is my daughter Mary.”
Napakunot ang noo ng Amerikano.
“You have the same name?”
Umiling ang babae. At ipinaliwanag na ang tunay niyang pangalan ay Maria Lourdes. Pero Mary ang isinulat niya sa kanyang payong dahil iyon ang plano niyang ipangalan sa magiging anak kung sakaling mabuntis siya. Bago umalis ay may sobreng iniabot si Matthew sa mag-asawa. Ito raw ay bilang pasasalamat sa maganda nilang puso. Pagkaalis ng bisita ay binuksan ng mag-asawa ang sobre. Halos himatayin sila matapos bilangin ang laman. Naglalaman ito ng 2,000 dollars. Ang 100 baht ay nanganak ng 2,000 dollars. Totoo ang kasabihang kung ano ang itinanim, siyang aanihin. Ang masaya nito, sobra ang inani niya: 2,000 dollars at isang napakagandang sanggol!
- Latest