Makinig at sumunod sa mga awtoridad
HINDI ko maintindihan kung tinamaan ng COVID-19 ang mga kontrapelong pulitiko’t komentarista sa radio at social media.
Bumubula sa pagka-negatibo ang kanilang mga bibig at letra.
Panay ang puna sa mga nakikitang mali at pagkukulang ng pamahalaan sa mga hakbang na isinasagawa laban sa pandemic na COVID-19.
Biglang dumami ang naging eksperto ano mga Boss?
May ilan pa diyan, walang ibang magawa kundi magsulat ng kanilang mga praning na pananaw para maibahagi sa kanilang mga mambabasa.
Kesyo ito raw ginagawang hakbang ng kasalukuyang administrasyon na enhanced community quarantine ay nakakubling estilong diktatorya.
Taktika raw ito para mapanatili sa puwesto ang kasalukuyang namumuno.
Matindi yata ang kombulsiyon ng mga ito habang sinusulat ang kanilang mga kolum. Huwag magpapaniwala sa ngawngaw ng mga kontrapelong ito.
Kundi ba naman mga hunghang, ngayon lang nangyari ang ganitong klase ng krisis sa bansa.
Asahan mong may mangilan-ngilang discomfort at pagkakamali sa mga panuntunang ipinapatupad.
E sa halip na makipagtulungan ang mga ito na linawin ang guidelines ng enhanced community quarantine, ang pinupuna ay ‘yung mga kilos at galaw ang mga pulis at militar.
Imbes maging instrumento para linawin ang mga patakaran at maintindihan ng mamamayan, nagbibigay pa ng mas mabigat na kalituhan sa publiko.
Bayanihan ang kinakailangan sa mga oras na ito. Pagtutulungan, pagkakaunawaan at pagkakaisa ng pribado’t pampublikong sektor.
Tigilan n’yo na ang panggugulo! Nakaririndi na ang ingay ninyong mga kontrapelo! Makinig at sumunod na lang muna sa sinasabi ng mga awtoridad.
- Latest