Sugar Mommy (330)
NASA pampang ng sapa sina Jericho at Jane. Yun ang paborito nilang lugar. Hindi sila nagsasawa na pagmasdan ang malinis na tubig ng sapa.
Pinag-uusapan nila ang tungkol sa nalalapit nilang pagpapakasal sa huwes.
“Ayaw mo ba talaga na ikasal tayo sa simbahan, Jane?’’
“Civil wedding na lang Jericho.’’
“Kasi’y may pera naman akong gagastusin para sa wedding natin.’’
“Alam ko pero mas gusto ko ang civil wedding…’’
“Bakit? Meron ka bang worry?’’
Hindi nakasagot agad si Jane.
At pagkaraan ay ibinaling ang tingin sa malayo. Natigilan ito. Parang may naalala.
“Palagay ko mayroon kang naalala na naghahatid sa iyo ng isipin o pangamba. Puwede mo bang sabihin sa akin iyon, Jane?’’
Napahinga nang malalim si Jane.
Nang magsalita ay may garalgal ang boses.
Hanggang makita ni Jericho na may dalawang butil ng luha na gumugulong sa mga pisngi.
Inakbayan at niyakap ito nang mahigpit ni Jericho.
“Ano ang ikinatatakot o ipinagwo-worry mo, Jane?’’
Humikbi si Jane.
Mga isang minuto marahil na nanahimik.
Hanggang sa magsalita. Ipinagtapat ang nararamdaman nito kaya ayaw magpakasal sa simbahan.
‘‘Nagkaroon ako ng takot na makasal sa simbahan dahil sa nangyari sa amin ng una kong asawa. Ikinasal kami sa isang kilalang simbahan sa Maynila, engrande, maraming bisita, mga kaibigan at kakilala... pero ang kinauwian ay paghihiwalay. Masama ang kinahantungan ng aming pagsasama. Naging mabuti akong asawa pero ginantihan nang masama. Natakot na ako. Hindi ko na gusto pang maulit iyon. Iyan ang dahilan kaya ayaw ko nang makasal sa simbahan…’’
Napamaang si Jericho. Kaya pala ganun ang pagkaayaw ni Jane. Nagkaroon siya ng phobia.
(Itutuloy)
- Latest