Sugar Mommy (329)
ISANG hapon na palubog na ang araw, niyaya ni Jane si Jericho na maglakad-lakad sila sa paligid ng kubo. Malamig na ang klima at masarap mamasyal.
“Dun tayo sa may pampang ng sapa,” sabi ni Jane.
Tinungo nila ang pampang. Habang patungo roon ay naririnig nila ang huni ng mga ibon na nasa puno ng bayabas at lukban. Masayang umaawit ang mga ibon.
“Ang sarap pakinggan ng awit ng mga ibon ano, Jericho?’
“Oo. Payapang-payapa sila at walang inaalalang problema.’’
“Katulad din natin ano Jericho. Wala tayong problema dahil mahal natin ang isa’t isa. Panatag na panatag din ang ating buhay.’’
“Oo. At lalo tayong napapamahal sa isa’t isa. Gusto ko’y lagi tayong magkasama.’’
Nang makarating sila sa pampang ng sapa, pinag-usapan nila ang tungkol sa kanilang balak na pagpapakasal.
“Plantsahin na natin Jane. Kung kailan at saan natin idaraos ang kasal.’’
“Di ba civil wedding lang ang napag-usapan natin.’’
“A oo nga pala. Nalimutan ko.’’
‘‘Tumatanda ka na senior!’’
“Hindi pa. Teka nga pala, kailan ang gusto mong idaos ang civil wedding?’’
“Sa isang buwan na ang gusto ko, Jericho.’’
“Sige kung yan ang gusto mo.”
(Itutuloy)
- Latest