Ganti
BAGAMA’T anak ng magsasaka, naigapang si Leo ng kanyang ama na makapagkolehiyo sa Maynila. Nakatira siya sa boarding house kung saan ang dalawang roommates niya ang mga kababayan at kaibigan simula pa sa pagkabata. Magkakapitbahay sila sa probinsiya kaya malapit sila sa isa’t isa. Nag-aaral sila sa magkakaibang unibersidad.
Minsan, nagtaka si Leo kung bakit bigla na lang siyang hindi kinausap ng dalawa niyang roommates. Nawala pala ang gold bracelet ni Alvin at siya ang pinagbibintangan. Sa tatlong roommates, si Leo lang ang anak ng magsasaka. Sina Alvin ay anak ng dentista samantalang si Gino ay anak ng may mataas na tungkulin sa gobyerno. Siya agad ang pinagbintangang nagnakaw dahil anak siya ng magsasaka na laging kinakapos sa allowance.
Kalat na sa boarding house na si Leo ang nagnakaw ng bracelet, nang isang araw ay napulot ng landlady ang bracelet sa itaas na bahagi ng bathroom. Biglang naalaala ni Alvin na doon niya naipatong ang bracelet nang hubarin niya ito para maligo. Humingi ito ng paumanhin kay Leo. Nang malinis na ang pangalan nito, nagdesisyon ang ama ni Leo na ilipat na ito ng boarding house. Naniniwala ang magsasakang ama na wala nang dahilan para makisama pa sa mga taong sumira ng kanilang dangal.
Isang araw, ngumiti ang magandang kapalaran kay Leo. Nagkaroon ito ng negosyong pumatok sa publiko. Ang bukid nilang naisanla sa iba’t ibang tao para ipagpaaral sa kanya ay nabawi niya. Ang mga kababayang nagigipit na gustong magsanla o magbenta ng bukid ay sa kanya lumalapit. Pangarap ni Leo na dagdagan pa ang lupang kanilang sasakahin para magtayo ng malaking farm na pupunuin niya ng fruit bearing trees. Minsan hindi inaasahan ni Leo na lapitan siya si Alvin. Isinasanla nito ang malawak na lupain na pag-aari ng pamilya. Sa tono ng pananalita, urgent ang pagsasanla nito dahil kailangan nito ang pantustos sa kasong kinakaharap. Isa siya sa napagbintangan na may kinalaman sa money laundering.
Kaagad tumanggi si Leo. Una, nasa malayong bundok ang isinasanla sa kanya. Pangalawa, maranasan naman niya kung gaano kasakit ang pakiramdam ng pinagbibintangan.
- Latest