Ang batang henyo
ISANG araw ay dumating si Tomas mula sa eskuwelahang pinapasukan na may bitbit na liham mula sa kanyang guro.
“Mama, ibigay ko raw sa iyo ang liham na ito mula sa aking guro”
Binuksan kaagad ng kanyang ina ang liham. Saglit na natigilan ang ina. Napansin iyon ni Tomas. Nahalata rin niya na may luhang tumulo sa mata ng ina pero agad itong pinahid.
“Mama, bakit ano po ang sinasabi ng aking guro?”
“Sabi ng iyong guro, huwag na raw kitang papasukin sa inyong eskuwelahan dahil sa sobrang talino mo ay wala na silang maituro sa iyo. Wala na raw guro na kuwalipikado para magturo sa iyo.”
Nanlaki ang mata ni Tomas. Diyata’t ganoon siya katalino at wala nang maituturo sa kanya ang mga guro.
“Sayang naman Mama. Nasasayahan po akong pumasok sa aming eskuwelahan.”
Masuyong hinawakan ng ina ang magkabilang pisngi ni Tomas at buong pagmamahal na tinitigan nito ang anak.
“Hayaan mo anak, dito ka na lang mag-aaral sa bahay. Ako ang magiging guro mo. Kung sila ay wala nang maituro sa iyo, ako ay hindi mauubusan ng ituturo sa iyo. At saka mas mabuti iyon at masusubaybayan kong mabuti ang iyong pag-aaral.”
Ang ina ni Tomas ay isang mahusay na guro na napatigil lang sa pagtuturo dahil humina ang kalusugan nito. Lumipas ang mahabang panahon, lumaki si Tomas na malaki ang paniniwalang matalino nga siya. Ang paniwalang ito sa sarili ang nag-akay sa kanya upang imbentuhin ang bombilya, telegraph, phonograph at marami pang gamit na malaking tulong sa pang-araw araw na buhay ng mga tao.
Sikat na siya bilang si Thomas Edison nang muli niyang nakita ang liham ng kanyang guro na bitbit niya noong bata pa. Nakuha niya iyon sa drawer ng kanyang ina na nang panahong ay ilan taon nang sumakabilang buhay. Binuklat niya ang liham at sa kauna-unahang pagkakataon ay mababasa niya nang personal ang liham ng kanyang guro sa kanyang ina.
“Sobrang hina ng ulo ang iyong anak. Hindi siya makaintindi ng aralin. Mahirap siyang turuan kaya kung maaari ay huwag mo na siyang papasukin sa eskuwelahan simula bukas. Wala na siyang pag-asa.”
Sumambulat kay Thomas Edison ang katotohanang inilihim ng kanyang ina sa kanya. Una ay natigilan siya, ngunit maya-maya ay humagulgol siya nang malakas. Ilang oras din siyang humagulgol. Noon niya naalaala… kung bakit lumuha ang kanyang ina pagkabasa sa sulat.
Ang pagsisinungaling ng kanyang ina sa tunay na nilalaman ng liham ang nag-akyat sa kanya patungo sa tagumpay. Lumaki siyang naniwala na sobra ang talino niya. Sa kanyang diary ay isinulat ni Thomas Edison ang mga linyang ito:
“Thomas Alva Edison was an addled (bobo) child that, by a hero mother, became the genius of the century.”
- Latest