‘Quarantine zone,’ ‘wag katakutan!
Nauna nang nagbabala ang DILG sa mga local governments officials na paparusahan sakaling harangin ang Tarlac coronavirus quarantine sa New Clark City sa Capas, Tarlac.
Ito mismo ang binigyang diin ni Undersecretary Epimaco Densing III sa susuway sa kautusan ni Pangulong Digong.
May kaakibat umano itong parusa at maaaring makasuhan ng administratibo o kriminal.
Meron umanong kalalagyan ang mga susuway sa kautusan.
Kahapon nga ay tuluyan nang nadala sa Athletes Villages sa Capas, Tarlac ang may 30 OFWs mula Hubei, China para sa 14-araw na quarantine.
Una nang nagpahayag ang DOH na wala naman umanong dapat ipag-alala ang mga residente kung gagamiting ‘quarantine zone’ ng mga Pinoy ang lugar, dahil ang mga dadalhin umano sa area ay wala namang mga sakit.
Ang mga dadalhin sa lugar ay oobserbahan lang sa loob ng 14-araw at ito umano ang dapat na maintindihan ng ating mga kababayan.
Biyernes nang magpasa ng resolusyon ang Municipal Council ng Capas upang hadlangan na gawing ‘quarantine area’ ng mga Pinoy ang Athletes’ Village sa kanilang lalawigan.
Katwiran ng mga local goverment officials labis ang pangamba ng kanilang mga constituents kung sa kanilang lugar dadalhin ang mga ito na galing pa mismo sa sentro na pinagmulan ng kinatatakutang 2019 novel coronavirus.
Bagamat parehong may punto ang magkabilang panig, pero dapat sa ganitong panahon umiiral sana ay ang unawaan.
Dapat na mag-usap at maging bukas sa katwiran ng bawat isa .
Marahil hindi na kailangan pa ang ‘takutan’ dito, kundi ang unawaan lalo pa nga’t nahaharap hindi lang ang Pinas kundi marahil ang buong mundo sa pagsubok sa pagkalat ng sakit na ito.
Dapat sama-sama itong hinaharap at hindi pwedeng ang iilan lang, habang ang iba eh walang pakiaalam.
- Latest