Kapag humangin nang malakas
MAY isang magsasaka na nagmamay-ari ng malaking farm malapit sa Atlantic ocean. Nangangailangan siya ng katulong sa bukid kaya’t nagpalabas siya ng ads para maka-recruit ng mga taong kakatulungin niya sa bukid. Ilang araw nang lumalabas ang ads pero wala pa rin nag-aaplay. Batid ng magsasaka ang dahilan. Mahirap magtrabaho sa bukid na malapit sa Atlantic ocean dahil madalas ditong bumagyo. Mahirap mag-alaga ng bukid na laging dinadalaw ng bagyo. Ngunit isang araw ay may naligaw na aplikante. Sabi nito sa interview:
“Sir wala akong mahabang experience sa pangangalaga ng bukid pero hindi ako natatakot sa bagyo. Nakakatulog ako nang mahimbing sa gitna ng malalakas na hangin.”
Bagama’t malabo sa magsasaka ang tinuran ng lalaki, tinanggap na rin niya ang lalaki. Mas mabuti ito kaysa wala siyang katulong. Sa pagdaan ng mga araw, walang naging problema ang magsasaka sa kanyang katulong dahil maayos itong magtrabaho at masunurin ito sa kanya.
Isang gabi, biglaan ang pagdating ng bagyo. Base sa weather forecast, sa isang araw pa ito darating ngunit mukhang napaaga. Nagising ang magsasaka dahil binabayo na nang malakas na hangin ang paligid. Dali-dali niyang pinuntahan ang kuwarto ng katulong at ginising niya ito.
“Gising!”
“Sir, bakit po?”
“Malakas na ang hangin. Napaaga ang pagdating ng bagyo, kailangan nating talian ang bubong ng bodegang pinaglalagyan ng palay. Bilisan mo ang iyong kilos!!!”
“Sir kalma ka lang. Di ba’t ang sabi ko sa iyo sa interview na kaya kong matulog nang mahimbing sa gitna ng malalakas na hangin?”
“Hindi ngayon ang oras para isingit mo ang pagiging matalinhaga at makata mo! Tumayo ka diyan at sumunod ka sa akin.”
Pagdating ng mag-amo sa bodega ng palay, ang bubong ay may tali na sa paligid. May ipinatong pa ditong mga hollow blocks upang makaseguro na hindi ito liliparin ng hangin. May nakalatag na tarpaulin sa salansan ng nakasakong mga palay upang hindi mabasa ng ulan, in case na liparin ang bubong ng bodega.
Ang kabayo, baka, manok at mga kambing na karaniwang binabayaan gumala sa paligid ng bukid ay nasa kanya-kanya nang kulungan. Ang kulungan ng manok at lahat ng mga hayop ay pinaligiran ng yero upang hindi ang mga ito mabasa.
Hindi pa man dumarating ang bagyo ay sinigurado na ng katulong na nakaayos na ang lahat. Iyon ang ibig sabihin nito na nakakatulog siya nang mahimbing sa gitna ng malakas na bagyo dahil nakahanda na siya nang mas maaga.
Moral: Wala dapat ikatakot ang isang taong nakahanda physically, mentally, at spiritually. Makakatulog ka ng mahimbing kahit pa bayuhin ng bagyo ang iyong buhay.
“The secret of success in life is for a man to be ready for his opportunity when it comes.”---Benjamin Disraeli
- Latest