Maling akala sa pagtanda
PINUNA ng blogger, retired na doktor at cancer researcher na si Ray Schilling ang ilan sa mga maling akala sa pagtanda ng tao. Inuna niyang binanggit ang paniniwalang ang pagtanda ay likas o natural na dumarating. Hindi dapat panghimasukan ang natural na prosesong ito. Pero merong mga sakit sa pagtanda na maaari namang malunasan.
Inaasahan sa isang doktor na magrereseta siya ng antibiotics sa pasyenteng may bacterial tonsillitis. Noong araw aniya, itinuturing na dapat tanggapin na lang ang sakit na osteoarthritis at gamutin ang mga sintomas. Pero, sa regenerative medicine, magagamot ito sa tulong ng stem cell therapy.
Isa ring maling akala na hindi na maaaring operahan ang matatanda. May lumang pangamba na ang isang matanda ay aatakehin sa puso kapag isinailalim siya sa general anesthetic. Pero nagbabago na sa kasalukuyang panahon ang general anesthetics at nagbago na rin ang aktityud ng mga doktor. Karaniwan na ngayon na ang isang 80-anyos na pasyente ay maaaring dumaan sa cataract surgery o total hip replacement. Maaari ka pa ring operahin kahit matandang-matanda ka na.
Maling akala rin na ang matatandang tao ay hindi na maaaring makipagtalik. Pero sa pagsulpot ng bioidentical hormone replacement therapy, maaari pa ring makipagtalik nang regular ang babaing nag-menopause o ang lalaking nasa panahon na ng andropause. Binabalanse ang kanilang hormones para maging tulad pa rin sila ng dati. Ang sex hormone deficiency ang dahilan kaya nawawala na ang init ng isang tao sa pagtatalik.
Maling akala rin na hindi na kailangang mag-ehersisyo ang matatanda. Taliwas dito ang katotohanan. Kailangan pa rin ng mga matatandang tao ang lahat ng mga aktibidad tulad ng pag-swimming, mabilis na paglalakad, pag-eensayo sa mga makina at iba pa para lumakas ang kanilang mga muscle.
Ang kakulangan ng ehersisyo ang dahilan kaya kulang sa enerhiya ang isang matanda. Kung regular ang ehersisyo, mapapataas ang iyong good cholesterol (HDL) na tumutunaw ng ilang plaque sa loob ng arteries. Mapapabuti ang sirkulasyon ng mahahalagang lamanloob at masusuplayan sila ng mga nutrients. Kaya kailangan ng tumatandang mga tao ang patuloy at aktibong pag-eehersisyo.
Hindi natin mapipigilan ang proseso ng pagtanda pero mapapabagal natin ito. Kailangang pangibabawan ang mga mali o masamang palagay hinggil sa pagtanda.
• • • • • •
Email: [email protected]
- Latest