Kailangang ideklara ng korte na patay na ang asawang matagal nang nawawala
Dear Attorney,
Pitong taon na pong hindi nagpapakita ang aking asawa. Basta na lang po siyang hindi umuwi isang araw at simula po noon ay hindi na po namin siya nakitang muli. Maari na po ba akong magpakasal muli gayong ang tagal na namang panahon na nawala ang aking asawa at mukhang hindi na siya magpapakita muli sa amin.
--Tessa
Dear Tessa,
Malinaw na nakasaad sa Article 41 ng Family Code na kailangan ng deklarasyon mula sa korte ng tinatawag na “presumptive death’’ ng isang asawang matagal nang nawawala at walang nakaaalam kung nasaan siya o kung ano ang nangyari sa kanya. Tinawag itong presumptive death dahil ipagpapalagay na ng batas na yumao na ang asawa dahilan upang magkaroon na ng kakayahan ang naiwang asawa na makapagpakasal muli.
Kailangan ng deklarasyon ng korte ng presumptive death dahil kung hindi ay walang bisa ang magiging pagpapakasal muli ng naiwang asawa, na maari pang makasuhan ng bigamy dahil sa pagpapakasal niya ng ikalawang beses gayong sa ilalim ng batas ay kasal pa rin siya sa una, kahit pa matagal na itong nawawala.
Upang maideklara ang presumptive death ng isang asawa ay kailangang nasa apat o higit pang magkakasunod na taon na siyang nawawala. Kung ang sitwasyon ng kanyang pagkawala ay isa sa mga nabanggit sa Article 391 ng Civil Code katulad ng pagkawala ng barko o eroplano ay sapat na ang dalawang magkasunod na taon na pagkawala.
Dahil pitong taon nang nawawala ang asawa mo ay maari kang magsampa ng petisyon sa korte upang simulan ang isang summary proceeding kung saan didinggin kung bakit kailangang ideklara ang presumptive death ng iyong asawa. Kailangang mapatunayan mo sa korte ang iyong paniniwala na namayapa na ang iyong asawa at ginawa mo ang lahat ng iyong makakaya upang malaman kung ano ang nangyari sa kanya. Kapag nakapagbaba na ng deklarasyon ang korte ukol sa presumptive death ng iyong asawa ay saka ka lamang maaring makapagpakasal muli.
Paalala lamang sa ating mga mambabasa na ang nakasaad na legal advice dito ay batay lamang sa inilahad ng sumulat at maaring hindi ito maging angkop sa ibang sitwasyon. Mas mainam pa rin na kayo ay personal na kumunsulta sa isang abogado para sa inyong mga problemang legal.
- Latest