EDITORYAL – Dept. of OFWs nasaan na?
NOONG Hulyo 2019, ipinag-utos ni President Duterte ang pagtatatag ng Department of OFWs. Inihayag niya ang utos sa mismong Araw ng Pasasalamat sa OFWs na ginanap sa Camp Aguinaldo. Gusto niya, plantsado na ito sa Disyembre 2019 para raw mayroon nang ahensiya na tututok sa problema ng OFWs.
Pero nagdaan ang Disyembre, walang Department of OFWs na nasilayan. Anong nangyari? Bakit hindi nagkatotoo ang sinabi ng Presidente? Sino ang dapat managot sa nangyari?
Mula nang iutos ang pagtatatag ng OFWs, marami nang nangyaring hindi maganda sa mga OFWs. Unang-una na ang pagpatay sa dalawang Pinay domestic helpers sa Kuwait. Una ay si Constancia Dayag na pinatay sa bugbog ng kanyang amo noong Hulyo 2019 at nang dalhin sa ospital, nakitaan pa ng pipino na ipinasak sa ari nito. Ikalawa ay si Jeanelyn Villavende na pinatay din sa bugbog at ginahasa pa. Itinigil na ang pagpapadala ng OFWs sa Kuwait dahil sa nangyari kay Jeanelyn.
Nalagay din sa panganib ang buhay ng mga OFWs sa Iraq dahil sa pagganti ng Iran sa United States sa pagkakapatay sa kanilang top army general. Nagkaroon din ng problema ang mga OFWs sa Libya dahil sa nangyayaring kaguluhan.
Gusto ng Presidente na may isang departamento ang mga OFWs para mayroon nang mag-aasikaso sa problema ng mga ito o iba pang pangangailangan. Nakikita ng Presidente na masyado nang napapabayaan ang mga OFWs na tinagurian pa namang mga “bagong bayani”. Pinagpapasa-pasahan ang mga ito at ‘di malaman kung saan tatakbo sa oras ng biglang pangyayari.
Malaki ang naitulong ng OFWs sa bansa. Kung wala ang OFWs nang magkaroon ng financial crisis sa Asia noong dekada 90, tiyak na humilahod na ang Pilipinas. Dahil sa pinadadalang dollars ng OFWs, nakabangon ang bansa at sumigla ang kalakalan. Ang mga OFW ang may pinakamalaking kontribusyon sa pag-unlad ng ekonomiya dahil sa ipinadadala nilang remittance money. Mula noon hanggang ngayon, ang OFWs ang sumasagip sa humihilahod na ekonomiya.
Pero ang inaasam na Department of OFWs ay nananatili pa ring pangako. Nasaan na ito at tila kinalimutan na? Bakit sa kabila ng utos na itatag ito ay walang kumikilos.
- Latest